Aktres, hinila sa stage dahil sa mahabang speech
Ilang taon na rin naman naming naririnig ang pagpapalit ng pamunuan ng FAMAS na sa hindi malamang dahilan ay hindi na napalitan at sa halip na magkaroon ng eleksiyon ang mga miyembro, mukhang minamana na lamang nila iyon sa mga nagpatakbo nito. Nawala nang lahat ang mga orihinal na miyembro ng FAMAS.
Ngayon sabi nga ng aktres na si Divina Valencia, walang taga-show business sa mga namumuno nito.
Tila na-take over na ng mga negosyante at ginawa na iyong isang pribadong korporasyon. Hindi na maliwanag ngayon kung ano ang status ng FAMAS bilang isang samahan.
Iyan ay dating isang non-profit-non stock corporation na tinatag ng mga tao sa industriya noong araw pa.
Ngayon mukhang hindi na rin iyon isang film awards, dahil napakarami raw binigyan ng awards na mga negosyante na wala namang kinalaman sa movie industry.
Hindi mo na rin maintindihan ang kanilang awards, may best actor at best actress, pero bakit may tinawag pang iconic best actor?
Ano iyon pinararami nila ang title para mas maraming mga artistang dumalo sa kanilang awards? Na basta dumalo ka kailangan kang magbayad ng limang libo sa isang ticket para sa pagkain, at siguro bayad sa venue na may kaunti pang tubo.
Inireklamo rin ni Divina ang nakita niyang paghila ng isang staff sa aktres na si Tina Loy na binigyan ng award, dahil masyado na raw mahaba ang speech. May isa pang actor na hinila rin at pinababa ng stage. Nagbanta nga raw si Divina na kung siya ay paaalisin din at hindi patatapusin sa kanyang gustong sabihin, magkakagulo sa awards night. Na hindi naman nangyari dahil nawala sa kanyang cellphone ang listahan ng mga gusto niyang pasalamatan para sa kanyang career.
Bagama’t ang pamilya ni Eva Darren ay tinanggap na ang apology ng FAMAS, maraming mga tao sa industriya ang hindi makapaniwala sa alibi dahil si Eva ay nakaupo raw sa isang mesa na napakalapit sa stage, kasama nga sina Divina Valencia at Marissa Delgado. Imposibleng hindi nakita si Eva Darren.
Pero ang nag-react talaga sa nangyaring insulto kay Eva ay si Divina Valencia na naglabas pa ng kuwenta ng nagastos ni Eva dahil sa imbitasyong iyon ng FAMAS na naghatid pa ng insulto sa kanya.
Sabi ni Divina si Eva bagama’t isang bisita nila ay pinagbayad ng P20,000 para sa apat na ticket sa kanya at sa tatlo niyang apo, gumastos din daw iyon ng P34,500 para sa kanyang ginamit na damit sa pagdalo sa awards night, P5,000 para sa kanyang makeup, P3,000 para sa ayos ng kanyang buhok, P2,350 para sa gasolina ng kanyang ginamit na kotse, at P1,700 na bayad sa driver. Sa kabuuan gumastos pala si Eva Darren ng P61,550 para lamang makadalo sa FAMAS na nangumbida sa kanya at tapos nainsulto lang siya.
“Isauli ninyong lahat ang ginastos ni Eva, iyong sayang na oras niya donasyon na lang niya sa inyo,” sabi ni Divina.
Ganun din ang demand ng aktres at manunulat na si Bibeth Orteza, “ibalik ninyo ang ginastos ni Eva pati ang ibinayad niya sa dinner niya at tatlo niyang apo.”
Ang sabi pa nila, ano pa ang kredibilidad ng FAMAS matapos ang kaguluhang iyan?
Na hindi alam ng ibang news online na todo sa pagpo-promote nito na hindi man lang bina-background check.
‘Pag ganito talaga ang sistema, binibigyan nila ng prominence at tanggap na ganun na parang prestihiyoso talaga.
Kelan kaya magkakaroon ng mga fact check ang ibang mga news online.
May gusto kayang magpaliwanag sa FAMAS?
- Latest