Muling nagkaroon ng reunion ang cast ng ‘90s sitcom na Home Along Da Riles. This time ay nasorpresa sila sa biglang pagdating ni Cita Astals.
Nag-iyakan at niyakap si Cita nina Claudine Barretto, Nova Villa, Smokey Manaloto, Vandolph Quizon, Gio Alvarez, Boy 2 Quizon at Maybelyn dela Cruz. Makikita sa mukha ni Cita ang pagkasabik na muling makita ang kanyang tinuring na second family.
Ginampanan ng former Manila councilor ang role na Hillary na boss ni Kevin Cosme (Dolphy) sa HADR mula 1992 hanggang 2003. Noong 2009 ay dumaan sa matinding depression si Cita at kinailangan niyang magpa-rehab.
Sa vlog ni Julius Babao ay nahanap niya si Cita at nakatira ito sa Cavite. Simple na ang pamumuhay niya pero hiling niyang makabalik ulit sa pag-arte sa TV at pelikula.
Noong gumawa ng ASOKA TikTok video ang cast, kasama na siya at nakakuha ito ng 3.1 million views.
Ayon kay Maybelyn, unti-unti nang nabubuo ang kanilang pamilya at sa next reunion nila ay makasama na nila sana ang ibang cast members tulad nina Ces Quesada, Sherilyn Reyes, Aurora Halili, Joymee Lim at Erick Fife.
Ilan sa mga pumanaw na cast members ay sina Bernardo Bernardo, Babalu, Carding Castro, Tommy Angeles at Boyong Baytion.
Actress / politician charee Pineda, namatayan ng anak
Malungkot na binalita ng actress-politician na si Charee Pineda ang pagkawala ng kanyang ipinagbubuntis na ikalawa sana nilang anak ni Martell Soledad.
Pinost niya sa Instagram ang tungkol sa pagtigil ng tibok ng puso ng kanyang baby. Pinangalanan na nila ito na Christiana.
“At 22 weeks and 1 day, our baby’s heart stopped beating. Our hearts were shattered but it surely made our faith stronger. For now, enjoy your time in heaven along with all the angels. We love you so much our baby, Christiana. We can’t wait to have you back in our arms in His time,” caption ni Charee.
Former councilor ng Valenzuela City si Charee at huli siyang napanood sa GMA teleserye na Babawiin Ko Ang Lahat.
Princess of Wales, nagke-chemo
Sa gitna ng pakikipaglaban sa sakit na cancer, muling nakita sa publiko ang Princess of Wales na si Kate Middleton.
Sumasailalim pa rin sa chemotherapy si Princess Kate, pero nakikita na itong uma-attend ng family affairs at bumibisita sa school ng kanyang mga anak.
Last May 10, nagbigay ng update si Prince William sa kalusugan ni Kate: “She’s doing well, thank you.”
Last April lamang ni-reveal ng Royal Family ang naging sakit ni Kate pagkatapos itong sumailalim sa major abdominal surgery in London.