Talagang natawa kami sa isang video na napanood namin kung saan pinangangaralan ni Vice Ganda ang alagang si Awra Briguela.
Inamin ni Vice finally, isang malaking pagkakamali ang ginawa niya noong pambabastos sa respected journalist na si Jessica Soho at ngayon ilang dekada na ang nakaraan iyon ay paulit-ulit pa ring binabanggit ng mga taong ayaw sa kanya na para bang wala nang maaaring ipagbago ang kanyang buhay.
Iyon ay hindi simpleng pagkakamali, iyon ay lack of good judgement. Ang akala ni Vice ang lahat ng mga tao ay kagaya lamang ng mga pinaglalaruan niya sa mga comedy bar na pinagmulan niya.
Akala niya lahat ng mga tao ay kagaya nina Anne Curtis, Jhong Hilario at Vhong Navarro na pinagpapasensiyahan siya. Hindi niya naisip na iba ang personalidad ni Jessica na iginagalng hindi lang sa industriyang ginagalawan niya.
Ganun ang status noong tao tapos babastusin mo makapagpatawa ka lamang ng ilang libong tao sa Araneta Coliseum.
Kagaya rin nung ginawa ni Awra. Lasing siya.
May isang gustong makipag-selfie sa kanya na natural lang dahil celebrity siya. Maaari niyang tanggihan iyon kung ayaw niya at walang makakapilit sa kanya pero diumano’y pinilit mo ‘yung tao na maghubad sa harap mo para pumayag kang makipag-selfie.
Iyong gusto mong saktan ang isang tao dahil hindi pumayag sa gusto mo at pati mga pulis na umawat sa iyo at nagdala sa iyo sa presinto nilait mo pati pagkatao dahil sa wrong judgement at paniwala mong si Awra Briguela ka at bida ka sa paningin ng tao?
This is a case of having too much, too soon. Hindi nila nabalanse ang dapat na maging katayuan nila. Hindi nila naisip ang kailangang respeto na ibigay sa kapwa nila tao. Basta ginawa nila iyong sa palagay nila ay tama nang hindi muna pinag-isipan eh lumabas na ang akala nilang tama ay mali pala.
Claudine, malabo na ulit mag-asawa
Matapos naming mapanood ang mga kuwento ni Claudine Barretto tungkol kay Rico Yan at kung gaano niya minahal iyon, naisip naming hindi nga pala magtatagal ang pagsasama nilang dalawa ni Raymart Santiago. Inamin niyang nagsimulang manligaw sa kanya si Raymart isang taon matapos na mamatay si Rico, pero sinabi niyang noong panahong iyon at hanggang ngayon si Rico pa rin ang laman ng kanyang puso.
Hindi natin siya masisisi dahil talagang matindi pala ang kanilang pagmamahalan, isipin mong limang taon din naman silang nagsama.
Pero ganoon pala ang sitwasyon kaya masasabi mong mali rin ang ginawa niyang pagpapakasal kay Raymart.
Ang una niyang dapat itinanong sa kanyang sarili ay kung magiging asawa ba niya si Raymart matatanggap na niyang wala na si Rico at maibibigay naman niya sa kanyang asawa ang buong pagmamahal niya?
Masakit para sa isang lalaki na maisip na ang asawa mong katabi mong natulog ay may ibang iniisip at minamahal. Masakit para sa isang lalaki na ang babae ay mayroon pa palang iba kahit na nga sabihing patay na iyon at hindi na babalik pa.
Mas ok nga sigurong maayos na lang nila ang kanilang buhay, magkasundo sila sa pag-aaruga sa kanilang mga anak at hindi na rin siya (Clauine) dapat mag-asawa dahil unfair sa magiging asawa niya ulit na hanggang ngayon si Rico ang laman ng isip at puso niya.
Prostitusyon sa internet, lantaran na
Talamak na ang porno at prostitusyon sa internet.
Talagang andyan na, accessible na sa lahat.
Wala ba talagang kapangyarihan ang gobyerno para mapatigil iyan?
Talamak ang prostitusyon na mga nag-aalok ng masahe na may “extra service.” Basta naningil na ng limang libo sa masahe na hindi naman siya licensed physical theraphist, hindi nagbabayad ng tax at walang permit mula sa PRC, ano iyan?
Iyong mga nagbebenta ng mga hubad na larawan at video nila sa internet na ang bayad ay sa pamamagitan ng Gcash, ano iyan?
Grabe, ano pang magiging future ng Pilipinas.