Ate Vi, pinipigilan muna si Jessy na bumalik sa trabaho
Noong una ang alam namin cancelled na ang film showing at talk back na gagawin sana ni Ate Vi (Vilma Santos) sa UST noong Lunes, kasi nga kasabay ng isang diumano ay malawakang transport strike. Pero nagdesisyon daw na tuloy iyon sa kabila ng transport strike dahil naihanda na nga ng UST at CCP ang lahat.
Tapos sumama naman ang pakiramdam ni Ate Vi a few days before that pero ayaw naman niyang umurong dahil alam niya ang lahat ng ginawang paghahanda sa UST lalo na nga‘t ang rector magnificus pa ng Universidad ang mismong naghanda noon si Rev. Fr. Richard Ang OP. Umaasa si Ate Vi na bubuti naman ang kanyang pakiramdam kaya tuloy pa rin.
Noong umaga pinayuhan na ng kanyang doctor si Ate Vi na kailangan niya ang complete rest sa buong araw man lang na iyon, Lunes, kung ayaw niyang lumala ang kanyang sitwasyon lalo na’t kung iisiping napakainit ng panahon pero ang nangibabaw sa kanya ang kanyang commitment, ang itinataguyod niyang advocacy bilang isang aktres at mga pangarap niya para sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Medyo na-late siya nang dumating at nakiusap na kung maaari maikli lamang ang talk back para makauwi rin siya agad.
At ‘yun nga ang nangyari.
At tama rin ang sinabi ng national artist na si Ricky Lee. “Kung hindi si Vilma ang gumanap sa role ni Josie Agbisit siguro hindi magiging ganoon katindi ang dating ng pelikulang iyon.”
Pagkatapos naman ng screening ang bidang-bida sa kuwento ni Ate Vi ay ang kanyang apong si Peanut.
Sinabi rin niya na totoo ngang gusto nang magtrabahong muli ng kanyang manugang na si Jessy Mendiola. “Pero tinatanong ko nga siya maiiwan na ba niya si Peanut eh maliit pa iyan, at alam naman ninyo ang buhay ng isang artista, aalis ka ng umaga hindi mo alam kung anong oras ka makakauwi. Kaya sabi ko nga baka mas mabuti next year na bigyan muna niya ng isang taon pang makasama niya talaga si Peanut. Pero ang problema habang matagal mong nakakasama iyong bata mas mahirap kang umalis, mas mahirap siyang iwan.”
Nasabi rin ni Ate Vi na nananawagan siya sa gobyerno, baka naman maaring tulungan ang industriya ng pelikula na mai-restore ang mga klasikong pelikulang nagawa noong nakaraang panahon dahil iyan ay kayamanan ng ating kultura.
Napakarami nating magagandang pelikula, hindi lang naman mga pelikula ko iyon. Pelikula rin ng ibang mga artista pero nakakalimutan na.
- Latest