MMFF, pabobonggahin ang Golden Anniv!

Si direktor Jose Javier Reyes na ang opisyal na itinalaga bilang chairman at CEO ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), kapalit ng nag-resign na si Tirso Cruz III.

Pero sinasabi ngang bago umalis si Tito Pip napag-usapan na nila sa board at nakalatag na ang gagawin ng ahensiya hanggang 2025. Kasama rin si direk Joey na nagplano noon kaya more or less, halos ganoon din naman ang magiging takbo ng ahensiya.

Maraming dapat baguhin sa FDCP.

Marami rin namang natulungan ang FDCP noong panahon ng pandemic, kasi nagtaguyod sila ng vaccination drive para sa mga taga-industriya at mayroon pang mga kasapi ng entertainment press na nakatanggap ng ayuda mula sa FDCP.

Pero sa palagay namin ngayong si direk Joey Reyes na ang andyan, mas magiging mahusay pa ang performance niya sa FDCP.

Samantala, sa darating na Disyembre, ang Lungsod ng Maynila raw ang siyang pangunahing abala sa Metro Manila Film Festival.

Sa taong ito, matindi ang inaasahan nila dahil ito nga ay golden anniversary ng festival, at sinasabing inihahanda na ang mas malalaki at mas magagandang pelikulang isasali sa festival.

Pero sana siguruhin naman nilang ang ipalalabas na pelikula ay iyong gustong panoorin ng mga tao, hindi mga pelikulang pilit na isinisingit para mapagbigyan ang mga artistang laos na. Alalahanin din sana nila ang kapakanan ng mga sinehan at ang mga manggagawa roon, sila ay bahagi rin naman ng industriya na gusto nating maiangat.

Maricel, kakasuhan ang bashers?!

Pati si Maricel Soriano ay na­dadamay ngayon sa mga bakbakan sa pulitika na hindi naman siya dapat kasali.

Iba ang kanilang motibo, may mga opisyal na gusto nilang patalsikin, eh bakit si Maricel ang binabanatan?

Hindi dahil sa nakakausap niya at nakakasama ang mga kalaban ninyong politikal ay ida­damay na ninyo si Maricel sa inyong batuhan ng putik at tinatakot pa ninyo ng boycott.

Eh ilan lang ba naman kayong magbo-boycott, mas marami ba kayo kaysa sa fans ni Marya?

Hindi na nga lang siguro pag-aaksayahan ng panahon ni Marya pero ang mga naninirang iyan ay maaari niyang sampahan ng kasong libelo.

Show comments