Hanggang ngayon, hindi pa rin matapus-tapos ang usapan tungkol sa hinihingi raw na talent fee ni Ian Veneracion para sumama sa isang motorcade. Ganoon din ang napakalaking sinisingil din daw noon para sa isang concert.
Pero kung tutuusin, karapatan naman ni Ian iyon.
Kinukuha siya hindi makaya ang kanyang presyo, di kumuha na lang sana sila ng iba na mas mababa ang presyo. Iyon ang presyo ni Ian eh, ano magagawa mo. Kung gusto mo siyang kunin, bayaran mo siya sa presyo niya.
Hindi mo rin naman masisisi ang mga artista kung minsan, kasi basta nakarating ka na sa probinsiya, marami nang hihilingin ang fans at hindi puwedeng hindi mo sila pagbigyan, ikaw ang mapipintasan.
Kaya ang mga artista, naniningil na ng mataas na presyo dahil doon. Eh di kung ayaw ninyo huwag. Bakit kung hindi ninyo makaya ang presyo tatalakan ninyo ang artista.
Sarah, susuwertehin ulit kung makikipag-ayos kay Mommy Divine
Kung ikinatuwa ng marami ang speech ni Sarah Geronimo sa event ng Billboard Women in Music Awards 2024 dahil gumamit siya ng wikang Pilipino, mas ikinatuwa naman namin ang ginawa niyang pagbati sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang inang si Mommy Divine.
Nagsimula ang sigalot ng mag-ina nang magpakasal si Sarah kay Matteo Guidicelli nang hindi man lang alam ng mga magulang niya. Sumugod si Mommy Divine para mapigil sana ang kasal pero tapos na iyon at inabutan niya sa isang restaurant na lamang.
Kung napansin ninyo, simula naman noon ay lumamlam ang career ni Sarah. Ni wala siyang malaking hit song ngayon, wala rin naman siyang malalaking pelikula kagaya noong dati.
Baka naman kung magkasundo na nga si Sarah at si Mommy Divine mas gumanda na ulit ang takbo ng kanilang buhay.
Alden, susugalan ang reunion movie nila ni Kathryn
Mukhang excited si Alden Richards nang aminin niyang gusto niyang mag-produce ng reunion movie nila ni Kathryn Bernardo.
Kung natatandaan ninyo naging isang napakalaking hit ang pelikulang una nilang tambalan na Hello, Love, Goodbye at kumita iyon ng halos isang bilyong piso na nalampasan ng pelikula nina Dingdong Dantes at Marian Rivera na Rewind.
Pero si Kathryn ay nakapirma na ulit ng isang exclusive contract sa ABS-CBN, ipahihiram ba nila iyon kay Alden nang ganoon lang o baka lumabas na ang ABS-CBN din ang producer noon at babakas lang si Alden.
Mukhang mas makatotohanan ang ganyang deal at hindi naman siguro magiging hadlang ang GMA 7 kahit na may contract sa kanila ang aktor.
Kumita lang naman ng ganoon ang pelikula ni Alden nang maitambal nga siya kay Kathryn at sa ilalim ng Star Cinema.
Sana nga matuloy iyan dahil sa totoo lang kailangang may makagawa ng isang malaking hit na pelikula para mabuhay na muli ang mga sinehan.