Say ng source... breakup nina Kim at Xian, mutual decision

MANILA, Philippines — Natawa ang isang source sa chika na si Xian Lim pa raw ang nakipag-split kay Kim Chiu.
Asking siya (source) kung bakit may ganung intriga. Nagulat daw siya. Paano raw nangyari ‘yun.
Ayon sa isang malapit kay Kim diumano’y mutual decision ang naganap na hiwalayan sa KimXi.
Diumano’y nag-usap sila at nagkaayos na maghiwalay para sa kanilang career na rin.
Kaya paano naman daw na si Xian ang nakipag-split.
Ahhh.
Napapabalitang may jowa na si Xian ngayon, si Iris Lee, na line producer ng Viva Films.
SPEEd nakikiramay sa mga naulila ni Jaclyn
Nagpaabot ng pakikiramay ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa mga naulila ng pamilya ng premyadong aktres na si Jaclyn Jose.
Nagdadalamhati ngayon ang buong entertainment industry sa pagyao ng isa sa mga itinuturing na haligi ng mundo ng telebisyon at pelikula.
Umaasa ang SPEEd na magpapatuloy ang legacy na iniwan ni Jaclyn Jose at magsisilbing inspirasyon sa lahat ng mga taong bumubuo ng movie at TV industry upang mas mapataas pa ang kalidad ng mga proyektong gawa ng mga Filipino.
Isa si Jaclyn Jose o Mary Jane Santa Ana Guck sa tunay na buhay, sa mga ginawaran ng pagkilala bilang Philippine Movie Icon sa ika-6 na edisyon ng The EDDYS noong nagdaang taon.
Napakalaki rin ng naibahagi at naging kontribusyon ng beteranang aktres sa Philippine cinema sa pamamagitan ng paggawa ng mga makabuluhang proyekto na nagsisilbing inspirasyon sa mga kapwa niya aktor at mga filmmaker.
Bukod sa hindi na mabilang na award na kanyang natanggap mula sa mga nagawa niyang pelikula nitong mga nagdaang dekada, siya rin ang kauna-unahang Filipino at Southeast Asian na nakapag-uwi ng Best Actress Award sa Cannes Film Festival noong 2016.
Ito’y para sa natatangi niyang pagganap sa pelikulang Ma’ Rosa mula sa direksyon ni Brillante Mendoza.
Nagsimula ang kanyang showbiz career noong unang bahagi ng dekada 80 at mabilis na nakilala sa kanyang talento sa pag-arte.
Sa paglipas ng mga taon, lumabas siya sa maraming pelikula at palabas sa telebisyon.
Ilan sa mga nagawa niyang pelikula ay ang Private Show (1985), White Slavery (1985), Itanong Mo Sa Buwan (1988), Machete II (1994), Sarong Banggi (2005), at Ma’ Rosa (2016). Sa telebisyon lumabas siya sa The Legal Wife (2014), Maalaala Mo Kaya, at FPJ’s Ang Probinsyano.
- Latest