Jaclyn, na-fake news sa dahilan ng pagkamatay
Hinihintay pa raw ang anak na lalaki ng aktres na si Jaclyn Jose, hanggang sa Biyernes kung makakauwi ito at saka sila gagawa ng desisyon kung kailan ang gagawing inurnment ng aktres.
Sa kasalukuyan nakalagak nga ang kanyang mga labi sa Arlington Chapels sa Araneta Avenue, hindi rin napigilan ang pagdagsa roon ng mga fans na nais makiramay, pero nakikiusap nga ang pamilya na panatilihin ang kaayusan at bigyan sila ng privacy na mukhang nasusunod naman.
Si Gwen ILagan Guck ay anak ng aktres sa gitaristang si Kenneth Ilagan. Nag-aaral siya ngayon sa US at isa ring musician gaya ng kanyang ama. Bassist siya sa isang banda.
Sa ngayon ang tumatayo para sa pamilya ng aktres ay ang anak niyang si Andi Eigenmann.
Nilinaw rin ng pamilya na lumabas sa isinagawang pagsusuri na ang dahilan ng naging pagbagsak ni Jaclyn noong Sabado ng umaga na kanyang ikinamatay ay isang atake sa puso.
Hindi totoong bunga iyon ng isang depression na pinagdadaanan ng aktres.
Nabuo lang naman ang sapantahang iyon dahil sa marami raw sa mga namamatay sa kanilang tahanan nang mag-isa ay sumasailalim sa depression, kagaya nga ng madalas na mabalitaan sa mga artistang Koreano na pinakamaraming artistang natagpuan na lang patay na sa kanilang tahanan.
Ipanalangin na lamang natin ang kanyang kaluluwa na nawa’y makapasok sa kaluwalhatian ng langit.
Bea at Dominic, nililihim ang pag-uusap?!
Sinasabing kaya halos walang naririnig ngayon sa aktres na si Bea Alonzo ay dahil minabuti niyang manatili sa kanyang farm sa Zambales. Tama namang desisyon iyon after all wala naman siyang project na ginagawa sa ngayon, at maiiwasan pa niya ang kung anu-anong tanong at tsismis tungkol sa breakup nila ng huling boyfriend na si Dominic Roque.
Pinakamaganda talaga para kay Bea na huwag nang magsalita para maputol na ang mga usapan.
After all kung talagang gusto niyang tumahimik ay maaari na muna siyang manirahan sa kanyang nabiling apartment sa Spain.
Pero may nagsasabing palihim ay nag-usap na raw sina Bea at Dominic at huwag na raw magtaka kung isang araw ay magkabalikan din silang dalawa at matuloy ang kasal.
Well, tingnan nating kun totoo ‘yan.
Batikang Direktor Tony Reyes, binigyan ng star sa Walk of Fame
Naging masaya na naman sa Eastwood Mall kahapon nang sa ika-18 pagkakataon ay muling magbigay ng parangal ang Walk of Fame Philippines na sinimulan ni German Moreno sa mga natatanging artistang may malaking ambag sa entertainment industry.
Hindi lang mga taong may kinalaman sa pelikula kagaya noong unang pinararangalan kundi maging broadcasters din, at sports personalities ay kanila nang pinarangalan.
Kabilang sa binigyang parangal kahapon ay ang batikang comedy director na si Tony Reyes, na gumawa ng maraming hit movies na karamihan pa ay naging top grosser ng Metro Manila Film Festival.
Deserve ni direk Tony ang star sa Walk of Fame para maalala naman siya ng mas mahabang panahon.
Apela sa Eat Bulaga ng Tape, binasura ulit ng IPO
Parang nagiging mas maliwanag na ngayon na kaya winakasan na ng Tape ang Tahanang Pinakamasaya ay dahil ibinasura na raw ng IPO ang kanilang apela para mabawi ang trademark ng Eat Bulaga.
Ibig sabihin kasi noon, kung hindi na nila mababawi ang titulong Eat Bulaga mula sa TVJ, bale wala na rin ang mga advance advertising contract na kanilang hawak, dahil hindi na iyon ang show nila. Mababaon nga lang silang lalo sa utang.
Ang umuugong ngayon ay maaaring gumawa ng isang bagong show na bago na ang format at iba na ang hosts at maaaring gawin nila iyon in collaboration with GMA.
- Latest