Hindi inakala ng dating aktres na ngayon ay OFW Partylist Representative na si Marissa del Mar na papasukin niya ang pulitika. Maligaya na raw siya na nakakatulong siya sa ating mga OFW sa pamamagitan ng kanyang TV shows tulad ng Buhay-OFW at Up Close and Personal with Marissa del Mar.
Pero OFWs daw mismo ang kumumbinsi sa kanya na tumakbo noong nakaraang eleksyon dahil nakita ng mga ito ang mga pagtulong na ginagawa niya.
Ngayon nga ay nakakagawa na nga raw si Cong. Marissa ng mahigit sa 50 resolusyon na lahat ay naglalayong makatulong sa ating workers sa ibang bansa.
Sa mga hindi nakakaalam, dekada 80 nang pasukin ni Marissa ang showbiz at napakarami niyang nagawang pelikula noon.
Naging leading lady din niya sina nina Jinggoy Estrada, Lito Lapid, Christopher de Leon, Phillip Salvador, Anthony Alonzo at marami pang iba.
Nakagawa rin siya ng mga international films at dito nagsimula ang advocacy niya sa mga OFW dahil nakita niya ang mga hindi magagandang kalagayan ng kanyang kababayan sa ibang bansa.
Nakausap ng ilang entertainment press si Marissa kahapon sa Pandesal Forum ni Wilson Lee Flores sa Kamuning Bakery at natanong nga siya kung balak pa ba niyang magbalik-showbiz.
Ayon kay Marissa ay madali naman daw bumalik pero sa ngayon daw ay hindi pa.
Matagal na nga raw siyang hindi nakakapanood ng pelikulang Tagalog pero favorite raw niya ang movies ni Kathryn Bernardo and Daniel Padilla.
“Kaya lang wala na sila ngayon,” sambit niya.
Jaclyn, binigyan ng tribute ng Cannes
Nagbigay-pugay rin ang Cannes Film Festival sa pagyao ni Jaclyn Jose na nanalong Best Actress sa naturang prestihiyosong international filmfest para sa pelikulang Ma’ Rosa in 2016.
Sa Instagram account ng Cannes (festivaldecannes) ay nag-upload ito ng larawan ni Jaclyn hawak ang Cannes trophy nito.
“On learning of the death of Filipina actress Jaclyn Jose, the Festival de Cannes remembers her face beaming with emotion when she received the Award for Best Actress in 2016 in Brillante Mendoza’s Ma’Rosa,” bahagi ng caption.
“As with so many of her roles, she illuminated this beautiful portrait of a woman, embodying it with grace and humanity,” pahayag pa ng Cannes.
Si Jaclyn ang kauna-unahang Pilipino na nanalong Best Actress sa naturang international filmfest sa France – actually kauna-unahan sa Southeast Asia.