Ilong ni Justin pinag-initan...Ted, bugbog sa SB19 fans

Justin de Dios

Katakut-takot na bashing ang inabot ng broadcaster na si Ted Failon, o si Mario Teodoro Etong, sa tunay na buhay, matapos niyang pansinin ang ilong ng member ng P-pop group na SB19, na si Justin de Dios.

Hindi nagustuhan ng fans ang mga sinabi ni Etong sa radio tungkol sa ilong ni Justin kaya siya naman ang binanatan ng mga iyon sa social media.

Sa panahong ito naman kasi parang natural na rin kahit na sa mga artistang lalaki ang nagpapaayos ng kanilang ilong o iba pang bahagi ng mukha, lalo na nga’t nang mauso iyang tinatawag nilang P-pop na ginagaya ang ayos at kilos ng mga K-pop stars.

Siguro napansin lang ni Failon o Etong ang naging pagkakaiba ng ilong ng member ng SB19, hindi niya alam na mababalikan siya nang ganoon ng fans na sa totoo lang ay aktibo sa social media at walang ibang pinagkakaabalahan.

Jaclyn, inukit ang Pilipinas sa Cannes!

Nagbigay-pugay si Jake Ejercito sa namayapang aktres na si Jaclyn Jose at nagsabing kung hindi dahil sa gabay noon, hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kanyang pagiging tatay ng kanyang anak.

Si Jake ang tatay ni Ellie, sa aktres na si Andi Eigenmann, na anak ni Jaclyn Jose.

Dahil diyan ay tama lamang namang bigyang pagpapahalaga ni Jake ang lahat ng nagawa ni Jaclyn sa kanyang buhay.

Nagsimula nang magdatingan ang mga kaibigan at kapwa artista matapos na maayos na na-cremate na ang mga labi ni Jaclyn.

Ang Star for All Seasons na si Vilma Santos na nakasama rin ni Jaclyn sa maraming pelikula ay nagbigay-puri rin at nagsabing malaking kawalan ang maagang pagpanaw nito sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Nailagay ni Jaclyn sa mapa ng mundo ng pelikula ang Pilipinas matapos na manalong best actress sa Cannes Film Festival, na pinakamalaking filmfest sa buong mundo.

Sa kanilang pagsasama sa mga pelikula, sinasabi ni Ate Vi na “Kailanman hindi naging malaki ang ulo ni Jaclyn na kung tutuusin kaya naman niyang gawin dahil totoong napakahusay niya. Mapupuna mo sa maraming pagkakataon, pinagbibigyan pa niya ang mga kasama niyang artista na mapansin kaysa sa kanya.”

Male starlet, hindi sumikat kahit retokado

Napag-usapan na rin lang iyang retoke ng mukha, ‘yung isang male starlet na nagyayabang na napakaganda nga ng kanyang mukha, aba eh sa totoo lang drawing na lang iyan.

Kung makikita ninyo kung ano ang hitsura niya noong araw bago niretoke ang kanyang mukha baka sabihin ninyong ibang tao siya. Pero unti-unti, nakahanap ng sponsors sa retoke  kaya ipinapaayos niya ang kanyang mukha hanggang hanggang sa maging poging-pogi nga siya, kaso hindi pa rin sumisikat.

Hanggang ngayon starlet pa rin.

Advance birthday celeb...

Gusto naming ipaabot ang aming pasasalamat sa GMA 7 Corporate Communications Group sa pag-alaala sa amin kahit na sa totoo lang, sabi nga ni Rhon Romulo ay napakaagang dumating ang kanilang birthday gift.

Sa Abril pa po ang birthday namin, pero siguro ang pagkakamali ay dahil sa isang social media platform na nagsabing birthday namin noong nakaraang buwan pa, kaya ang daming bumati sa amin ng happy birthday maski hindi pa naman talaga. Kabilang na nga roon ang VP for Corporate Communications ng GMA na si Miss Angel Javier.

Show comments