Higit na 18 years na palang gumaganap na kontrabida si Sheryl Cruz. Nagsimula siyang tumanggap na magkontrabida ay noong 2006 sa teleserye na Bakekang na pinagbidahan noon ni Sunshine Cruz sa GMA.
Simula raw no’n ay nagsunud-sunod na ang pagganap niya sa mga iba’t ibang klaseng kontrabida roles.
Inamin naman ni Sheryl, bagama’t mahirap ay nag-e-enjoy raw siya sa ganung role lalo sa mga bagong artista ngayon. Ang latest nga na binigyan ng sample ng kanyang pagiging kontrabida ay si Jo Berry sa Lilet Matias: Attorney-At-Law.
Kuwento pa niya na na-excite siya noong sabihin sa kanya na si Jo Berry ang magiging target ng kanyang katarayan. Marami na raw siyang naririnig na maganda tungkol kay Jo kaya nagkaroon siya ng interes na makatrabaho ito.
Isa pa raw sa ikinakatuwa ni Sheryl kay Jo ay napapagaan daw nito ang araw niya kapag nasa set sila. Kahit na raw ang eksena ay sisigawan niya ito, pagkatapos ng take ay ngingitian lang daw siya ni Jo dahil starstrucked daw ito sa aktres.
Jessica at Renz, nangatwiran sa mga nega
Sinagot nina Jessica Villarubin at Renz Verano ang kanilang natatanggap na negative comments sa social media dahil sa pagpili sa kanila na maging hurado sa na-revive na singing contest ng GMA na Tanghalan Ng Kampeon sa programa na TikToClock.
Ayon sa netizens, “Di nga marunong si Jessica, ‘di maganda mag-comment.” at “Hindi karapatdapat si Jessica, nasa gilid ‘yan kasi hindi sikat.”
Sagot ng The Clash Season 4 champion: “There’s always room for improvement naman and willing akong ma-learn at ginagawa ko naman ‘yung best ko. Ito na lang po ‘yung last na sasabihin ko, mahal ko po kayo. I-bash niyo na lang po ako nang i-bash okay lang po.”
Ang OPM icon naman na si Renz Verano ay sinabihan ng netizen na: “Si Renz lang ang kilala ko, matanda pa. Dapat ‘yung mga champion sa kantahan ang kunin n’yong judge. Hindi nga marunong mag-appreciate ng talent ‘yan!”
Ito ang naging sagot ni Renz: “ Ako po ay sumali sa banda ng ilang taon. Tapos, ako ay naging vocal coach ng ilang taon din po. ‘Yung first album ko platinum, ‘yung second album ko po na nandoon po ‘yung Remember Me, 5x platinum. Yung 3rd, 4th, at greatest hits nasa platinum. Noong 1995 nabigyan ako ng Awit Awards Best New Male Recording Artist.”
Dating talk show host Wendy Williams, natulad sa sakit ni Bruce Willis
Na-diagnose ang former talk show host na si Wendy Williams with primary progressive aphasia and frontotemporal dementia. Pareho sila ng sakit ng aktor na si Bruce Willis.
Ayon Mayo Clinic, “Aphasia is a condition affecting language and communication abilities, and frontotemporal dementia, a progressive disorder impacting behavior and cognitive functions.”
Tulad ni Bruce Willis, hirap nang makipag-communicate ng husto ang 59-year-old former TV host since 2023. Hindi na raw ito masyadong nakakakilos at kailangan na ng tulong ng isang caregiver. Bukod sa mga sakit na nabanggit, na-diagnose rin siya noon with Graves’ disease and lymphedema.
Sumikat si Williams bilang isang radio DJ hanggang sa magkaroon siya ng sarili niyang daytime talk show na The Wendy Williams Show na umere from 2008 hanggang 2021. Pinasikat niya ang opening phrase na “And How Are You Doin’?”. Nagkaroon din ng sariling reality show si Wendy na The Wendy Williams Experience noong 2006 sa VH1. Nagkaroon din siya ng sariling line of jewelry and wigs. Na-induct din siya sa National Radio Hall of Fame noong 2009.
Pumasok sa isang treatment facility si Wendy noong 2023 dahil sa pagiging alcoholic.