Tandem criminal, aktibo na naman

Eto ha, hindi dapat maging kampante ang kapulisan sa kabila ng sinasabing pagbaba ng krimen sa kapuluan.

Kasi nga eto at patuloy na naman ang pag-atake ng riding-in-tandem na kawatan na bumibiktima sa marami nating mga kababayan.

Kamakailan lamang sa Maynila halos magkasunod ang pag-atake ng tandem na kawatan na nakukunan pa nga ng CCTV.

Lumilipat pa ito ng lugar sa ibang lungsod sa Metro Manila.

Modus ng mga ito na agawin ang mga gamit o bag ng kanilang napasadahang mga biktima.

Kadalasang target ng mga ito ang mga nagtatrabaho sa gabi, katulad ng mga nasa call center at mga estudyante.

Matindi ang mga ito, na armado ng baril at walang kagatul-gatol sasalakayin ang kanilang biktima.

May modus naman na kapag hindi nakuha sa hablutan, sigurado babalik ang mga ito at tutukan na ang target para makuha ang pakay.

Hirit nga ng marami nating kababayan, mas marapat na magdadagdag ng mga pulis na magpapatrulya sa gabi o mga alanganing oras sa mga estratihikong lugar.

Iba na kasi kapag may nakikitang nag-iikot na mga pulis, kung baga nagdadalawang-isip o napi­pigilan ang pag-atake ng mga kawatan.

Panlaban ang malakas na police visibility sa mga posibleng mangyayaring krimen.

Nag-iikot kasi ang mga kawatan, kaya dapat sabayan din ito nang pag-ikot ng mga awtoridad.

Dapat din na kumilos dito ang mga opisyal at tauhan ng barangay.

Mistulang hindi na nasusumpungan ang mga nagpapatrulyang mga tanod, partikular sa gabi na mala­king tulong din sana para mapigilan ang pag-atake ng mga kriminal at kawatan.

Parang umaasa na lang sila sa CCTV na madalas naman na hindi nababantayan o namominitor 24/7. Iba pa rin yung nag-iikot kasi nga kahit maliit na problema sa barangay agad nilang natutugunan at naaagapan kaysa yung naghihintay lang sila ng tawag o sumbong sa kanilang tanggapan.

Kadalasan kapag ganito, nasusumpungang nagtutulog sa pansitan kaya madalas na nalulusutan.

Show comments