Natupad ang wish ni Kristoffer Martin na nakapag-participate sa una niyang international marathon sa Japan.
Sa kanyang Instagram stories, pinost ni Kristoffer ang pagsali niya sa 2024 Kyoto Marathon. Makikita rin na suot ng Kapuso actor ang marathon medal at meron siyang black printed cloth from the marathon that says “finisher.”
Ibig sabihin ay naging successful ang pagtawid niya sa finish line.
“Congratulations my love,” comment ng wife niyang si AC na kasama rin ang anak nilang si Pre.
Tinaon din ng Makiling actor ang pagsali sa marathon at bakasyon ng pamilya niya sa Tokyo. Isa sa pinuntahan nila ay ang Tokyo’s Disney Sea.
Sofia, mas gustong mag-debut sa tubig
Sa April na ang 18th birthday ng Sparkle teen star na si Sofia Pablo. Kaya ngayon pa lang ay pinaghahandaan na niya ang special day na ito. Hands-on siya sa preparations mula sa isusuot, disenyo ng venue, at pati na rin sa ihahandang mga pagkain.
Isang Hawaiian Tropical Paradise ang tema ni Sofia para sa kanyang debut. Gusto raw niya na kumportable ang kanyang mga iimbitahan at hindi rin siya ma-stress sa kanyang sariling party. “Malapit po ang heart ko sa dagat. Hindi rin po ako fan ng ball gown. Gusto ko lang po talaga comfy even for the guests. Hindi rin ako magpe-perform. Mag-enjoy lang po talaga. Kung ano ‘yung shortest program na kaya para lahat makapag-enjoy na after,” sey ni Sofia na ang escort ay walang iba kundi ang ka-loveteam niya na si Allen Ansay.
Taylor Sheesh, dinumog sa Australia
Pinasaya ng impersonator ni Taylor Swift na si Taylor Sheesh (Mac Coronel) ang mga Swifties na hindi naubusan ng ticket para sa The Eras Tour sa Melbourne, Australia.
Sa X (formerly Twitter), pinost ng Filipina Drag Artist ang video kung saan dinumog ng maraming Aussie Swifties ang kanyang show sa labas ng isang mall at sinisigaw ang pangalan niya.
Bitbit pa ng ilan ang placards na nakalagay ang Taylor Sheesh. Sikat na sikat siya sa Australia dahil sa billboard niya roon.
Sa Tokyo, Japan nanood si Taylor Sheesh ng The Eras Tour in full Taylor Swift look.