Hindi nga lang siguro alam ni Aga Muhlach pero ang kanyang anak na lalaki si Andres ay talaga palang may pangarap nang maging isang artista noong araw pa.
Ngayon inaamin ni Andres na bata pa sila, nakikita niya kung papaanong naabot ng tatay niya ang buhay ng maraming tao, dahil siya ay isang artista, dahil siya ay isang matinee idol, at secretly inaambisyon din niyang maabot ang ganoong kalagayan.
Na hindi malayong mangyari lalo na ngayon at pumirma na rin siya ng contract sa Viva at sa TV5.
Marami nang mga taong nag-aabang kay Andres. Noon pa mang magsimula siyang maglaro ng basketball para sa kanilang eskuwelahan, marami na siyang fans.
Maski nga si Vice Ganda lately sa isa niyang vlog ay kinukumbinsi na si Aga na ibigay sa It’s Showtime si Andres, tutal nasa Eat Bulaga na ang kanyang kakambal na si Atasha na napakalakas din ng dating.
Anjo, mas napansin sa news...
Hindi namin napapansin noon na dahil hindi naman kami talaga mahilig sa mga teleserye, naging artista na pala ng GMA 7 si Anjo Pertierra bago siya inilipat sa news. Si Anjo ay isang athlete at model din bago napunta sa TV, ngayon mas napansin siya at sumikat nang malipat siya sa news.
Noong una ay bilang weather presenter lamang, pero nitong bandang huli nasasalang na rin siya sa sports at nakagagawa na ng news features.
Nagkaroon siya ng malaking advantage dahil matangkad nga at guwapo na hindi maaaring hindi mapansin sa crowd. At ang sinasabi nga ng mga kasama niya sa coverage, “hindi suplado.”
Si Pertierra sabi nga nila pinakikiharapan nang mabuti ang fans at game magpa-picture kasama sila.
Tama iyan, kailangan ng GMA News ng isang bagong star. Malaki ang nawala sa kanila nang mawala si Mike Enriquez na may napakalaking following. Si Anjo bagama’t baguhan palang ay may napakalakas naman ng personality na maaaring bumatak ng audience.
Ate Vi at Boyet, tinuldukan ang love story
Natatawa kami sa mga kuwento dahil siguro nga Valentine’s day kahapon. May isa kaming kaibigan na napanood daw ang isang vlog sa US, kung saan ini-interview ang isa sa organizers ng Manila International Film Festival na nagsabing sa kanyang palagay kaya ganoon ang acting nina Vilma Santos at Boyet de Leon sa When I Met You In Tokyo ay dahil may nakaraan sila.
Obviously ang pinagbabatayan lamang niya ay iyong kanyang palagay, dahil hindi naman niya kilala nang personal sina Vilma at Boyet.
Isa pa, sinagot na nila iyan kung hindi kami nagkakamali sa show ni Boy Abunda, na kapwa sila nagsabing they never had a chance bagama’t nagkasama na nga sila sa mahigit na 25 pelikula.
Inamin naman ni Ate Vi na basta si Boyet ang kanyang kasama sa pelikula, dahil siguro sa rami na rin ng kanilang napagsamahan at kung anu-anong role ang kanilang nagampanan, mabilis na siyang makapag-internalize kung ano man ang kailangan sa role. Ganoon din naman ang sinabi ni Boyet.
Natatandaan namin, noong ginagawa pa namin ang research doon sa anim na dekada ni Vilma docu, we also asked her the same question. Isipin mo iyong magkasama kayo sa ganoon karaming pelikula, at hindi kayo nagkaroon ng tunay na relasyon pero itinuturing kayong pinakamainit na love team.
Pero totoo iyon, maraming nakakapanood ng kanilang mga pelikula na nag-iisip. Nagkaroon kaya sila ng love story in the past kaya parang napakadali sa kanila ang roles nila sa pelikula?
Well the answer is “no.”