Ang malakas na ugong ng tsismis kahapon ay natuklasan na raw kung sino ang tunay na may-ari ng mahiwagang condo ng alam na ninyo kung sino (Dominic Roque).
Isa raw iyong negosyante. At nadadawit din ang isang pulitiko na konektado sa showbiz.
Pero mahirap mo ngang patunayan iyan, at lalong mahirap mong iugnay sa concerned personality.
Hindi rin naman dapat isipin na kung bading man ang may-ari ng condo ay may relasyon na siya agad sa occupant noon. Kailangang ma-establish muna ang lahat ng mga ebidensiya bago sila magsalita.
Kaya nga sinasabi namin na baka hindi “detective” kundi isang “defective” ang may sabi niyan. Kasi ang mga tumatayong detective ay karaniwang abogado o may nalalaman sa batas. Ang isang may nalalaman sa batas ay hindi maghahayag ng ano mang conclusion na base lamang sa speculations.
At hindi naman kami maniniwala na maniniwala si Bea Alonzo batay lamang sa mga haka-haka. Malabo iyon.
Tiyak na may mas malalim pang dahilan kung bakit bigla siyang umurong sa kasal kay Dominic Roque, at may matibay siyang pinanghahawakan.
Hanggang walang official statement si Bea ay hindi natin malalaman kung ano ang dahilan. Maski nga raw si Dominic hindi niya alam kung bakit inatrasan siya ni Bea.
Ah ganun ba?
Dating EB executive, pinag-usapan ang loyalty
Hindi kami pabor sa mga lumalabas ngayon sa social media na ang dating executive producer daw ng Eat Bulaga ay traydor sa TVJ.
Bago pa umalis ang TVJ sa mga Jalosjos, may narinig na kaming pinababalik ng Tape Inc. sa Eat Bulaga si Malou Choa Fagar, na ang dinig pa namin ay “Partner” kung tawagin ng Tape chairman na si Romy Jalosjos. Iyang si Fagar ay pinagretiro na bilang executive producer ng show at si Tony Tuviera na ang tumayong EP ng Eat Bulaga, bago pa ang problema.
Nang si Tuviera naman ang pinagretiro ng Tape, nabalitaan nga namin na kinausap nila si Fagar para magbalik sa show, at para nga maayos ang mga problema at maisagawa siguro nila ang gusto nilang pagbabago.
Narinig din namin sa informed sources na tutol si Malou na mawala ang TVJ, at sinasabi nga raw noon na hayaan na munang makumpleto ng tatlo ang 50 years kung gusto nila tutal sandali na lang naman iyon.
Pero siguro nga hindi ganoon ang gusto ng mga Jalosjos kaya hindi rin nagbalik si Malou sa Eat Bulaga. Nanatili na lang si Malou bilang board member ng MTRCB.
Maaaring may naibigay na statement si Malou na pumabor sa Tape Inc. noong panahon na ng demandahan dahil batay lamang iyon sa kanyang nalalaman bilang EP ng show. Kung sanay kayo sa TV production, maniniwala kayo na ang nalalaman ng EP sa mga setup ay limitado lang naman dahil ang karaniwang alam lang niya ay ang content ng show at ang show requirement.
Iyon ang kaibahan nang mag-take over sa kanya si Tuviera dahil bilang CEO nakagagawa siya ng desisyon na ang tatanungin lamang ay ang chairman of the board.
Kaya alam mong mali na sabihin na si Malou Fagar ay traydor sa TVJ.
Trabaho lang siya.