Janno, hindi naipo-promote ang ganda ng pelikula

Janno Gibbs

Nakikisimpatiya rin kami kay Janno Gibbs at sa pamilya niya mismo dahil sa nangyari sa kanyang amang si Ronaldo Valdez. 

Bagama’t bilang nagsimula rin sa police beat, talagang ang ginawa ng mga imbestigador ay natural na nangyayari talaga kahit noong araw pa, naniniwala kaming dapat nga lang sana ay naging mas maingat sila dahil ang involved sa nasabing mga pangyayari ay kilalang celebrities. 

Pero sana hindi na binabanggit ang malagim na pangyayaring iyan at tapos susundan ng pelikulang idinirek ni Janno na malapit nang ipalabas. 

Hindi naman masasabing ginagamit iyon ni Janno pero ang mga nagsusulat ay kailangang mas maging maingat para hindi naman masabing ginagamit ni Janno ang controversy para mapag-usapan ang kanyang pelikula. 

Eh kung ang gagawin nga ay isasakay ang publisidad ng isang pelikula sa isang malagim na pangyayari panget ang dating. 

Sana ganap nang isantabi muna ang usapin kay Ronaldo habang pinag-uusapan ang kanilang pelikula. Pag-usapan ang merits ng pelikula kung ano ang bago, kung ano ang nakakatuwang mga eksena at pangyayari. Mas magandang ipangako natin sa mga tao na masisiyahan sila sa panonood ng pelikula at hindi maalala ang malagim na nangyari.

Ruffa, nagdadasal ng milagro

Nanawagan si Ruffa Gutierrez sa kanilang mga kaibigan at fans na ipinalangin si Alexa Gutierrez, ang asawa ng nakababata niyang kapatid na si Elvis, na kasakuluyang naka-confine ngayon sa St. Luke’s Hospital sa BGC at na-diagnose na may leukemia.

Noon ang ginagawa sa may leukemia ay patuloy na sinasalinan ang pasyente ng dugo pero sa makabagong panahon nalaman na hindi iyon ang lulutas sa problema kundi may itinuturok daw sa buto para maiba ang komposisyon ng bone marrow. Marami na ang gumaling sa makabagong paraan pero aminado sila na napakahirap na humanap ng donors na ka-match ang kailangang bone marrow ng pasyente.

Kaya tama ang kailangan diyan ay isang milagro ng Diyos at tama ang hinihiling ni Ruffa na panalangin.

Female starlet, pinagpalit ng aktor sa booking

Iyong may kalandiang female starlet strikes again. Nakita na naman siya sa isang watering hole sa Pasay na istambayan ng alters at alam na ninyo kung ano. Lasing na siya at hinahanap niya ang isang male starlet na naka-date rin niya mga ilang buwan na ang nakararaan.

Dahil sa kalasingan marami ang nakarinig sa sinasabi niyang “nasaan na iyon? Masarap siya. Kailangan ko siyang makita ngayon.”

Nagkataon naman daw na noong gabing iyon ay hindi sumipot ang tinutukoy niyang male starlet kaya umuwi siyang luhaan. Ang usapan nga raw ay “baka maaga naman ang booking ng male starlet kaya hindi na nakarating sa watering hole. Mabili kasi iyon eh kahit na sa mga matrona at bading.” Iyon na.

Show comments