^

Pang Movies

Star power,malaking tulong sa MMFF!

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Star power,malaking tulong sa MMFF!
Vilma Santos at Christopher de Leon

Masasabing malaking tagumpay ang MMFF 2023.

Nagbunga ang pagsisikap ng lahat ng mga artista sa pangunguna nina Vilma Santos at Boyet de Leon na maibalik ang  tao sa mga sinehan na matagal ding tinamatad lumabas ng bahay.

Ngayon din nakita na natin ang trend - ang gusto ng tao ay malinis ang pagkakagawa at mga tunay na artista ang bida, hindi gaya noong mga indie na kung sinu-sino lang ang ginagawang bida para makatipid.

At kailangang ganun na rin ang gawin ng mga artista ng mga kasunod pang pelikula. Dalawin nila ang mga sinehan at tumulong sila sa pagbebenta ng tickets, pelikula man nila o hindi para tauhin.

Tiyak na umpisa na ‘yan ng pag-e-enjoy ng karamihan ng panonood ulit sa big screen. Kasi bakit ba sila magtitiyaga sa maliit na screen lamang ng kanilang cellphone o computer, na ang pelikulang pinanonood nila ay napuputol dahil sa kabagalan ng internet dito sa ating bansa.

Saka malaking bagay ang panonood sa mga sinehan, malamig ang aircon, malaki ang screen na hindi nakakasira ng mata dahil ang napapanood ninyo ay projection, hindi gaya sa computer, cellphone o maging sa telebisyon na ang liwanag ay nagmumula mismo sa screen na nagiging dahilan ng eye fatigue.

Bukod doon nagkakaroon pa ang pamilya o ang barkada ng higit na panahon para makapag-bonding.

Noong isang araw nga, matapos ang mahabang pandemic ay noon lang ulit kami nanood ng sine na kasama ang isa naming malapit na kaibigan, at matapos kaming manood at saka namin naisip ang tagal-tagal na nga pala naming hindi ginagawa iyon.

Salamat sa pelikula ni Ate Vi, nagkaroon kami ng pagkakataong manood ulit ng sine. Kasi may mga pelikula namang hindi namin pareho gusto, kaya hindi rin kami magkasamang manood.

This time napagkasunduan kami sa When I Met You In Tokyo matapos naming ikuwento sa kanya ang istorya, at mapanood din niya ang magagandang reviews gaya ng sinabi ni John Lloyd Cruz tungkol sa pelikula, kung paanong ma-in love ulit ang mga may edad.

Hindi nga lang pala kami nanood ng sine, naging bonding iyong muli. At iyon ang na-miss namin nang matagal na panahon.                                                                      

Kuya Germs, matindi ang naging deboto noon sa mahal na Nazareno

 Ngayon ay kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno sa Quiapo. Milyon na naman ang dadagsa sa simbahan ng Quiapo at sa prusisyon na magsisimula sa Luneta pabalik sa simbahan para gunitain ang panahong inilipat ang imahe ng Nazareno mula sa isang simbahan sa Intramuros na bahagi na ng Luneta sa ngayon, at inilagay sa simbahan.

Kakatuwa, pero noon sinasabing may Nazareno ang mga mayayaman, na nasa simbahan ng San Nicolas de Tolentino sa Intramuros at para mas maging maayos ang lahat gumawa sila ng replica na ipinagkaloob nga ng mga paring Augustino sa simbahan ng Quiapo, na noong una ay isa lamang camarin, o kapilya ng parokya ng Santa Ana.

Ang naaalala namin kung pista ng Quiapo ay si Kuya Germs, na sinasabing noon daw bata pa siya lagi siyang dumadalangin na sana makakuha siya ng trabaho kahit na janitor lang para makatulong sa kanilang pamilya. Iyon ang idinadasal niya halos araw-araw sa tuwing magpupunta siya sa simbahan ng Quiapo, at nangyari naman iyon, nakuha siyang janitor sa Clover Theater noong araw.

Pero doon nagsimula ang kanyang career. Umasenso siya at naging telonero sa stage show. Tapos naging theater booker na siya. Siya iyung kumukuha ng mga pelikulang inilalabas sa Clover sa pagitan ng mga stage show. Hanggang isang mahal na araw, hindi nakarating ang artistang lalabas sanang Kristo sa Clover, agad na ipinatawag siya ni Don Jose Zara at sinabi, “si German, Mestizo at payat, iyan ang bihisan at gawing Kristo”. Iyon ang una niyang pagkakataong naging artista, hanggang siya na ang bida sa stage show, artista na siya. Doon din siya nakuha ng Sampaguita Pictures at ginawa nga siyang artista sa pelikula.

Kaya mula noon, hindi nawawala si Kuya Germs sa pista ng Nazareno sa Quiapo.

Noong bandang huli, naging panata pa niya ang magdala ng pagkain at inumin para sa mga pumapasan.

Talagang naging matindi ang panata ni Kuya Germs sa Nazareno.

Pumanaw din si Kuya Germs ng January 8, 2016, bisperas ng kapistahan ng Nazareno.

VILMA SANTOS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with