Siyempre kagaya ng inaasahan at nakasanayan na sa show business, basta may ginawa ka o may isang accomplishment ang isang artista, tiyak na may sasabihin ang fans ng kalaban nila.
Dahil sa nakitang tagumpay ng advance selling nina Ate Vi (Vilma Santos) at Boyet (Christopher de Leon) ng tickets sa SM para sa When I Met You in Tokyo, aba pinipintasan na naman ng ilang bashers, na ang ginagawa raw ay “show of force” at minamaliit ang ibang mga pelikula. Iyon naman daw ay para lang masabing malakas sila sa takilya.
Kasalanan ba ni Ate Vi na pagpupursiging mapabalik ang mga tao sa sinehan?
Kung mangyayari ‘yun, darami ulit ang magpo-produce, darami ang trabaho para sa mga manggagawa ng industriya, at makakabawi sa lugmok na kalagayan.
Kung titino ulit ang film industry at matitino na ulit ang mga pelikula, sisigla ang industriya.
Kaya nga natutuwa kami at mayroon pang isang Vilma Santos na totoong nagmamalasakit sa industriya.
Sunshine, pinababalik sa pagkanta
Noong isang gabi pagbubukas namin ng aming social media account ay bumungad sa amin ay ang post ni Sunshine Cruz na kinakanta ang Miss Kita Kung Christmas na actually ay naging paborito naming kanta simula nung pinasikat ni Susan Fuentes noong araw pa.
Maganda ang pagkakakanta ni Sunshine na talaga naman kasing singer.
Nag-recording na siya sa Octoarts na bumenta rin naman, at saka mula sa angkan ng mga Cruz si Sunshine simula sa lolo nila, mga tinitingalang mga musician na.
Sana balikan ni Sunshine ang pagkanta. Kaya naman niya.
At kung kakanta siya, tiyak na marami rin ang kukuha sa kanya sa concerts.