MANILA, Philippines — Dedepensahan ng Big Lagoon ang korona pagsalang sa 2023 PCSO Presidential Gold Cup bukas sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Rerendahan ni class A rider John Alvin Guce ang Big Lagoon, makikipagsanib puwersa ito sa Istulen Ola na sasakyan ni PSA Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez.
Nakalaan ang P10 milyong guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta sa distansyang 2,000 metro kaya paniguradong umaatikabong bakbakan ang masisilayan ng mga karerista.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P6 milyon, mapupunta sa second placer ang P2 milyon, kukubrahin ng third ang P1 milyon at tig-P500,000, P300,000 at P200,000 ang fourth, fifth at sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, posibleng makaulit ang Big Lagoon.
Pag-aari Melaine Habla, malaki ang tsansa ng Big Lagoon na maukit sa history ng karera na pang-limang kabayo na nagwagi ng back-to-back PGC champion.
Inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office, (PCSO) ang nasabing event ay magbibigay din ng P500,000 sa breeder ng winning horse.