Programa ni Willie, tinanggihan ng amusement park!  

Willie

Hindi na raw tuloy ang show ni Willie Revillame sa PTV 4 at sa IBC 13 sa susunod na taon.

Inaasahan pa naman at ipinagyayabang ‘yan ng PTV 4.

Akala namin tuloy na iyan eh, kasi minsan nagpunta pa si Willie sa Star City at tinatanong kung maaari raw doon isagawa ang live telecast ng kanyang show. Eh sa tingin naman ng Star City, magiging disadvantage pa nila dahil sisikip ang kanilang lugar kung doon gagawin ang TV show nila, tapos papasok ang audience nila nang libre?

Papaano naman ang mga nagbabayad na patrons ng Star City.

Isa pa magtataka ka rin naman, bakit si Willie ang nakikipag-deal at hindi ang mga kinatawan ng networks?

Hindi natuloy ang deal nila sa Star City, pero akala namin may nakuha na silang ibang venue, hanggang sa marinig na nga lang naming hindi na pala sila matutuloy.

Ang IBC ay may sariling studio at mga bagong equipment noong kanilang i-sequester.

Claudine, 11 years nang walang lovelife

Casual na casual lang ang statement na binitiwan ni Claudine Barretto tungkol sa kanyang sarili, “for the past 11 years wala akong naging boyfriend, wala akong naka-date, at walang ano.”

Ano nga ba ang nawawala kung walang boyfriend o ka-date man lang? Kaya nga nagkatawanan ang mga nakarinig sa kanyang comment. Isipin mo ang isang babaeng kasing ganda ni Claudine, wala for 11 years? Kasi ang sabi niya ang oras daw niya ay ibinuhos niya sa kanyang mga anak.

Siya ay tumayong solo parent dahil wala namang ibinigay na sustento ang asawa niyang si Raymart Santiago sa kanilang mga anak simula nang maghiwalay sila.

Pero naniniwala kaming hindi na nga nagkaroon ng boyfriend si Claudine.

Marami rin naman siyang naging boyfriend in the past na hindi rin maganda ang naging katapusan ng relasyon. Ang pinakamasakit nga siguro para sa kanya ay ang nangyari sa relasyon nilang dalawa ni Rico Yan.

Pero siguro nga para kay Claudine, she has had enough, kaya pinagbakasyon muna niya ang kanyang puso for 11 years, at maaaring humaba pa.

Majoha, tumatak sa GomBurZa

Sabi nila napa­panahon daw na may isang pelikula tungkol sa tatlong paring martir na sina Jose Burgos, Mariano Gomez at Jacinto Zamora.

Noong araw, nasa elementary grades pa lang kami ay natutuhan na namin ang tungkol sa mga bayani, at ang tatlong paring martir na ginarote ng mga kastila dahil sa simpleng bintang lamang na bahagi sila ng rebolusyon kahit na wala silang kasalanan.

Ganoon katindi ang pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas noong panahon namin, pero ngayon aywan kung ano ang sistema ng edukasyon.

Maalalang nang tanungin ng isang host ang mga kasali sa question and answer ng isang talent search, kung ano ang tawag sa tatlong paring martir na sina Jose Burgos, Mariano Gomez at Jacinto Zamora, ang isinagot ng contestant sa search ay “Majoha.” Nakakahiya, umabot sa ganoong edad at antas ng pinag-aralan hindi alam ang GomBurZa at tinawag pang Majoha.

Show comments