Binanggit na namin ito, pero bakit iginigiit na ang PSA ay naglabas ng Cenomar ni Francis Magalona, at nadugtungan pa iyon ng comments na si Pia Magalona naman daw ay divorced na sa unang naging asawa na hindi naman nila mapangalanan, maliban sa may dalawa siyang anak doon, sina Niccolo at Unna Lu.
Habang tumatagal, lalong gumugulo ang mga usapan, at hindi kami naniniwala na magsasalita pa si Pia sa mga bagay na iyan.
Sa loob ng ilang taon ay nagsama sila bilang mag-asawa at ganoon ang pakilala nila sa publiko. Wala namang kumuwestiyon sa buong panahon ng kanilang pagsasama sa kanilang pagiging mag-asawa.
Kung sinasabi man ng iba na walang papeles ang kasal nina Kiko at PIa, ibig sabihin hindi sila legal na mag-asawa, mayroon ba namang may mailalabas na papeles na legal na siya nga ay naging asawa ni Kiko?
Bakit ba kailangan nating pakialaman?
Michelle Dee, solid ang pagka-Pinay
Hindi kami mahilig sa mga beauty pageant, nanood lang kami nang buo niyan noong 1974 sa Folk Arts Theater, dahil coverage namin iyon at napakahirap lumabas sa rami ng tao.
Noong isang araw, natawag ang aming pansin ng isang kritiko na nagsabing wala raw dating ang ating kandidatang si Michelle Dee. Hindi raw iyon kagaya ni Catriona Gray o ni Pia Wurtzbach.
Pero kahit anong sabihin mo o hindi man ganoon ka-striking si Michelle, at least masasabi mong Pilipina siya, hindi gaya ng ibang beauty queen na tunog pa lang ng pangalan ay dayuhan na. Oo nga’t ang apelyidong Dee ay hindi rin Pinoy kundi Tsino, kilala naman natin ang tatay niya na isang Pinoy talaga.
Ang nanay niya ay isang tunay na Pinay at nanalo ring Miss International, si Melanie Marquez.
Nakita rin ang pagpapakilala ng mga sumaling Pinay at mga inangking Pinay sa Miss Universe. Kakaiba ang dating ni Michelle, dahil nang magpakilala siya, siya ay nakangiti na kaugaliang Pilipino. Siya lamang ang bukod tanging bumanggit ng pangalan ng kanyang bansa na Pilipinas.
Doon lamang ay makikita na natin ang damdamin sa bayan ni Michelle. Bukod diyan, bago pa siya naging Miss Universe Philippines ay nakikiisa na siya sa mga gawaing tumutulong sa mga mahihirap dito sa Pilipinas. Hindi gaya ng iba na nagpupunta lamang sa mga ganoong okasyon dahil sa tungkulin nila bilang beauty queen at naroroon naman sila para sa pictorial lamang at para makunan ng telebisyon na sila ay may ginagawang “charities.”
Sharon at Goma, ‘di nambulabog
Habang nasa airport, nagkita sina Sharon Cuneta at Richard Gomez at nagbatian naman sila. Iyong batian nila ay nauwi sa yakapan, at sinabi pa ni Sharon na na-miss na rin niya si Goma na nang huli niyang makita ay tatlong taon na ang nakaraan.
Maikakaila ba na in the past nagkaroon din ng relasyon sina Sharon at Goma?
At si Sharon pa mismo ang nag-post ng kanilang pictures sa kanyang social media account. Bakit kaya hindi nag-react si Kiko Pangilinan?
Hindi kasi sila nabulabog sa reaksiyon ng mga tao sa pagkikita nina Sharon at Goma, hindi kagaya noong magkita pa lamang sina Sharon at Gabby Concepcion sa press conference nila na pati ang press, na-excite.
Sen. Bong, nabiktima ng madaldal
Nagulat kami noong isang gabi sa nakita naming “public apology” ni Col. Bong Nebrija ng MMDA at sa pag-ako niya sa parusa dahil na nagawa ng kanyang mga tauhan. Humingi siya ng paumanhin kay Senador Bong Revilla.
May nag-report na ang sasakyan daw ni Senador Bong ay pumasok sa bus lane sa EDSA at hinuli ng enforcer. Narinig naman iyon sa radio ni Bong Nebrija at sa isang radio interview ay binanggit niya iyon na mabilis ding kumalat sa social media at na-bash si Senador Bong.
Tama lamang na humingi ng public apology si Nebrija, at tama lamang na akuin niya ang suspensiyon, dahil siya ang nagbalita noon sa radio nang hindi pa naman pala kumpirmado ang kuwento. Tapos ang mga mismong enforcer din ang nagsabi na nagkamali sila, akala nila ay sasakyan nga iyon ni Senador Bong. Eh naidaldal na ni Nebrija sa radio, yari sila.
Hindi mo naman masisisi iyong enforcer, nagkamali sila sa report, pero hindi naman siguro nila inakala na idadaldal agad iyon ng boss nila sa radio.