Sa pagdiriwang ng 2023 National Teachers’ Month (NTM), naglabas ng bagong video lessons ang Knowledge Channel katulad ng Siklo ng Enerhiya, Wow, at Puno ng Buhay, namahagi ng mga Knowledge Channel Portable Media Library (KC PML) at nag-train ng mga guro sa iba’t ibang bahagi ng bansa para matulungan silang mas mapahusay ang pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral.
Ang bagong episodes ng Siklo ng Enerhiya, katuwang ang Department of Energy, ay sumasalamin sa science ng enerhiya, pamamahagi ng kuryente, at kababaihan sa sektor ng enerhiya. Sa bagong season katuwang ang Forest Foundation Philippines, ang Araling Panlipunan series na Wow, hosted by Edric Calma, ay nagtatampok sa mayayabong na kagubatan at mga tao ng Bukidnon, Leyte, Palawan, Rizal, at Batanes, habang ang Puno ng Buhay naman ay nakasentro sa pangangalaga ng kalikasan kasama ang hosts na sina Maymay Entrata at Elijah Canlas para sa intermediate school learners.
Isang espesyal na episode ng Knowledge Factory, ang ginawa naman para magbigay pugay sa mga guro at magbahagi ng pangunahing impormasyon sa National Teachers’ Month at National Teacher’s Day.
Isinagawa rin ang iba’t-ibang teacher training programs at namahagi ng mga KC PML sa mga eskwelahan sa Quezon City at Tanay, Rizal sa pakikipagtulungan ng Unilever – Breeze Philippines at Sikat Solar Challenge Foundation, Inc. Dahil dito mas lumalim ang kasanayan ng mga guro sa hanay ng edukasyong pangkalikasan at paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo, upang tulungan silang maging mas mahusay na 21st-century educators.
“Kayo, aming mga guro, ang pundasyon ng pagpapalakas at pag-unlad ng ating lipunan. Dahil sa inyong dedikasyon at sakripisyo araw-araw, mas kayang makamit ng mga estudyanteng Pilipino ang kanilang mga pangarap sa buhay,” pahayag ng KCFI president at executive director at 2023 NTM spokesperson for the private sector, Rina Lopez sa kanyang mensahe sa mga guro sa pagdiriwang ng National Teacher’s Day na ginanap sa Butuan City.
Ilan lamang ito sa mga espesyal na programa ng Knowledge Channel para parangalan ang mga guro at pagbutihin ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.
Para sa karagdagang educational materials at updates patungkol sa Knowledge Channel, bisitahin ang official website, o magtungo sa Facebook, Instagram, Twitter, and YouTube.