Balitang magtutuluy-tuloy na sa kanyang showbiz career si Julia Montes pagkatapos ng hit movie nila ni Alden Richards na Five Breakups and A Romance. Ang sabi, may negosasyong nagaganap sa pagitan ng ABS-CBN at Cornerstone Entertainment, ang management company ni Julia ngayon.
May negosasyon din daw ang Cornerstone with another network for a TV series at kahit hindi binanggit kung anong network ito, ang hula agad ng fans at GMA Network ang may offer kay Julia. Ang hula rin ng fans, itatambal si Julia kay Alden dahil pagkatapos ng pelikula, gugustuhin ng fans na mapanood sila sa series.
Actually, sa early promo period pa lang ng FBAAR, nabanggit na nina Julia at Alden na sana after ng movies, sa TV series naman sila magtambal at inaksyunan lang ng GMA ang kanilang wish. Heto at balitang nakipag-usap na ang network sa management ni Julia.
Kapag gumawa ng series sa GMA si Julia, siguradong may ilang Kapamilya fans na hindi matutuwa. Dito pa nga lang sa balitang may pag-uusap ang Cornerstone at GMA, may mga nag-react na. Sa ABS-CBN daw galing at nakilala si Julia, gumaling siyang aktres dahil sa ABS-CBN na magaling daw mag-build up ng artista.
Ibig sabihin nito, may ilang Kapamilya fans na hindi matutuwa sakaling gumawa ng series sa GMA si Julia. Huwag na ang lumipat, ang gumawa lang ng project sa GMA ay kanilang daramdamin, kaya kung magyayari man ito, sana collab na lang ng GMA at ABS-CBN para walang malungkot at sumama ang loob.
Ang ganda pala ng comment ng isang fan na ang friendship nina Julia at Alden ay parang friendship nina Susan Roces at Eddie Gutierrez na hindi man naging for real ang love team ay naging best of friends naman.
Matteo, priority si Sarah kesa sa career
Mahal talaga ni Matteo Guidicelli ang wifey niyang si Sarah Geronimo dahil sa mediacon ng Penduko, nabanggit nito si Sarah. Sabi ni Matteo, priority niya ang kanyang asawa, pero nagpu-focus pa rin siya sa kanyang career, lalo na at malapit na ang showing ng Viva Films 2023 MMFF entry na Penduko.
Napa-“sana all” nga ang katabi naming columnist sa mediacon nang marinig ang sinabi ni Matteo na priority niya ang asawa.
Aminado si Matteo na wala pa siyang big movie, ito palang Penduko ang mako-consider niyang big movie. Wala pa rin daw siyang hit movie, and again, baka itong MMFF entry ang maging first hit movie niya, lalo at ngayon pa lang, hinuhulaan nang malaki ang laban ng pelikula sa direction ni Jason Paul Laxamana na mag-number one dahil pambata.
Mukha namang may basehan ang paniwalang ito dahil ang trailer views pa lang, nagsimula sa 1.4 million and after a few more days, umabot na sa 2.5 million ang views across all media platforms.
Magkasunod ang kanyang project dahil sa November 6, world premiere ng Black Rider, ang first series niya sa GMA-7 na produced ng GMA Public Affairs.