Bongga naman na napanood sa ASAP si Alden Richards kasama si Julia Montes para pa rin i-promote ang pelikula nilang Five Break ups and A Romance.
Di ba, parang napaka-imposible nito noong kasagsagan ang network war.
Ngayon nagkaroon ng collab at kumbaga may unity na ang TV industry natin.
Wala na ‘yung dating pataasan ng rating ek at paramihan ng commercial.
Nakakalungkot na nawalan ng franchise ang ABS-CBN dahil marami ang nawalan ng trabaho at parang nabawasan ang interes ng fans sa panonood ng television, pero may magandang naidulot din naman.
Ito ngang collab nila.
Sana nga ay patuloy na magkatulungan ang GMA at ABS-CBN na ngayon ay mas kilala nang content provider dahil napapanood sa GMA 7, TV5, A2Z, GTV at lahat yata ng sikat na streaming platforms ang mga ginagawa nilang programa.
Ganun naman sa Korea may mga kumpanyang ang ginagawa lang ay mga programa at saka nila ibebenta sa kung saan-saang platform.
At ito nga ang ginagawa ngayon ng dating Kapamilya network.
Ang wish ko lang talaga ngayon ay mas dumami ulit ang nanonood ng telebisyon at ‘wag lang pulos sa cellphone.
Wish ko rin na dumami ulit ang mga nanonood ng pelikula sa mga sinehan.
‘Wag nating pabayaan ang sariling atin. Nakakahinayang ang pinaghihirapan ng mga producer nating upang makabawi ang ating movie industry.
Suportahan natin.
‘Yun lang at babu!