Nora, hindi nagamit ang pagiging National Artist!
Ligwak ang pelikula ng national artist na si Nora Aunor sa Metro Manila Film Festival. Akala pa naman namin, ano man ang criteria nila bibigyan ng bigat ang pagiging national artist ni Nora.
Mataas ang pagpapahalaga ng dating Presidente Ferdinand Marcos sa mga national artist. Hindi lang siya gumawa ng batas para may matanggap na pension ang mga iyon mula sa gobyerno,at bilang dagdag na karangalan, kung mamamatay sila, may karapatan silang iburol sa CCP, at ilibing sa Libingan ng mga Bayani kung gusto ng pamilya nila. Pero ngayon parang balewala na yata ang mga national artist.
Papaano mo tatawaran ang kakayahan ni Fernando Amorsolo na ipaliliwanag pa sa iyo kung bakit ganoon ang tama ng araw sa liwanag ng kanyang ipininta? O kaya ang kakayahan ni Mang Levi Celerio na nakagawa ng mahigit na limang libong kanta na ang iba ay hindi na halos niya matandaan kung hindi niya maririnig na muli, at tapos ikukuwento niya sa iyo kung papaano niya ginawa ang mga kantang iyon.
Matitindi ang mga national artist noong araw, kaya ang mga iyan hindi puwedeng tatabig-tabigin ng mga security ng artista. At siguro hindi ililigwak sa alin mang kumpetisyon dahil karangalan nilang may national artist doon.
Pero ngayon iba na ang panahon. Ang mga national artist ngayon, parang karaniwan na lang. Kita nga ninyo ang pelikula ni Nora naligwak pa sa festival.
Pero hindi namin sinisisi ang MMFF dahil ang festival na iyan simula pa noong una ay isang Trade Festival, gustong patunayan ni Mayor Antonio Villegas noong 1966 na kayang makipaglaban ng mga artista at teknikong Pilipino sa mga dayuhan, lalo na ang mga kano na siyang may control sa mga malalaking sinehan noon, kaya ang pelikulang Pilipino ay hindi makapasok sa mga malalaking sinehan at naipapalabas sa iilan lamang noon.
Saka noon ang parada ng festival ay nagsisimula sa CCP na siyang sentro ng sining sa PIlipinas, at nagtatapos sa Luneta na pook ng mga bayani.
Ngayon nga maging iyon ay binago na nila.
Magbubunutan din ang mga sinehan, hindi sila makakapili kung ano ang ilalabas nila.
Pero sabi nga tulad ng panahon, ang MMFF ay nagbabago ang patakaran at sistema.
At teka kaninong pelikula ba ang lowest grosser. Iyong sa buong panahon siya ang pinakabalolang sa MMFF?
At saka maliwanag naman ang criteria. Kailangang kumita ang festival, para ang crowd ay matangay sa panonood ng pelikulang Pilipino.
Kaya sana kumita ang mga pelikulang kasali para naman makabawi-bawi ang pelikulang Tagalog na lugmok talaga sa kasalukuyan.
- Latest