Claudine, ilusyon lang ang naninira sa kanyang career?!
MANILA, Philippines — Hindi maliwanag dahil wala namang sinabi si Claudine Barretto kung sino ang sinasabi niyang dalawang tao na sinisiraan siya at humahadlang sa pagbabalik niya sa kanyang career. Tila tukoy naman ni Claudine kung sino, pero ayaw lang niyang sabihin. Mayroon namang netizens na nagsasabi na baka naman ang lahat ay suspetsa lang niya kaya hindi niya masabi. Kasi kung totoo nga ang sinasabi niyang nakahanda siyang labanan sila, bakit hindi pa niya sabihin kung sino.
Pero kung iisipin, hindi naman apektado ang buhay ng aktres, kasi hindi naman siya iyong kailangang kumayod talaga para mabuhay. Maliwanag naman sa mga kuwento niya na lagi siyang suportado ng kanyang Ate Gretchen, na mukhang sinusuwerte naman ngayon ang buhay, kaya hindi rin masyadong nahihirapan si Claudine, pati na sa pagpapalaki sa kanyang mga anak.
Pero kung totoo nga, hanggang kailan mananatiling ganyan ang sitwasyon ni Claudine?
Luis, kinaya ang ‘noontime’
Mabigat iyang challenge na kinakaharap ni Luis Manzano ngayon. Ano nga ba ang kalalabasan ng kanyang show na tatagal lamang ng 12 araw, tapos maganda man o hindi ang resulta ay talagang tapos na dahil babalik na ang kanilang pansamantalang pinalitan?
Mayroong nagsasabi na maling diskarte iyan sa career ni Luis, dahil bakit nga ba siya gagawa ng isang show na 12 days lang ang itatagal. Kung sakali ba pagbubutihin pa niya iyon eh substitute lang naman iyon.
Pero sinasabi naman nila na maaaring dahil sa kahusayan ni Luis sa pagdadala ng isang malinis na show. Baka nga mabuksan ang isip ng network na siya na talaga ang dapat nasa isang regular noontime show. O baka bigyan din siya ng isang game-variety show kung makikita ang kanyang kahusayan at hindi pa hinahaluan ng kabastusan.
Pero malakas ang loob nilang magsabi na baka nga kung malampasan pa ng 1 show ni Luis ang It’s Showtime na inilalabas pa sa dalawang channels ha, baka maisip nilang siya na ang bigyan ng regular show, at tiyak suportado pa iyan ng Vilmanians.
BL star, pasok sa confidential fund ng senador at congressman?!
Ano ba naman iyang tsismis sa isang BL star, na siya raw pinaglalaanan ng “Confidential intelligence fund” ng isang senador at isang congressman. Tama ba iyon, kasama ba iyon sa intelligence gathering nila, maliban kung ang BL star ay may koneksiyon din tungkol sa mga subersibo at nagpapasa iyon ng information, o baka naman iyan ang tinatawag na “discretionary funds” o baka naman personal nilang pera iyon at wala na tayong pakialam kung papaano nila gagastusin.
Pero nakakagulat. Marami palang sideline na ganyan ang BL stars. Kasi nga naman hindi na sila mahirap kausapin, dahil ginagawa na nilang lahat sa kanilang mga gay internet series eh, kaya hindi na kailangan pang ipaliwanag sa kanila kung ano ang mangyayari.
At least kung nababarat man sila sa kanilang gay series, ginagawa silang partners kuno na kasosyo sa serye, tapos babayaran lang sila kung kumita na. Kaya maraming natutuksong mag-sideline.
- Latest