That’s… members ni Kuya Germs, nagsama-sama ulit!
MANILA, Philippines — Natatandaan namin pati petsa, Jan. 11,1986, araw ng Sabado, nasa Araneta Coliseum kami dahil nakumbida kaming isa sa jurors sa labanan ng production numbers sa That’s Entertainment. Iyon din ang kanilang ika-10 taon sa telebisyon. Napanood iyon nang live sa Channel 7. Pagkatapos ng show, magkakaroon ng sandaling break para makapagpahinga muna ang mga artista, tapos magsisimula naman sila ng taping ng isa pang show sa Araneta na ipalalabas naman sana sa susunod na araw ng Sabado.
Nagyaya si Kuya Germs (German Moreno) na kumain muna kami sa labas, at habang hinihintay namin ang pagkain, sumunod si Lito Calzado na siyang executive producer noon ng show at sinabi kay Kuya Germs: “Kuya Germs hindi na po tayo magte-taping. Kasi sinabihan po ako ng management na wala na raw pong taping dahil iyong kanina ang last na nating show.”
Nakita naming tila umakyat ang dugo sa ulo ni Kuya Germs, bigla siyang namula, tumayo na sa mesa at hindi na kumain. Nagbalik na pala siya sa Araneta para siya ang magsabi sa mga bata ng nangyari. Nang muli kaming pumasok sa Araneta, malungkot na ang lahat, may mga nag-iiyakan pa dahil alam nila, iyon na ang katapusan ng minimithi nilang stardom.
May isang executive noon ng GMA 7 na kakilala namin, at nang masalubong namin siya mismo sa Araneta, tinanong namin siya kung ano ang nangyari? Nagulat din daw siya dahil wala siyang alam kung sino ang gumawa ng ganoong desisyon ganoong maganda ang ratings at sales ng show.
Pero noong isang araw after 27 years, tinawagan kami ni Carmelites Rigonan at kinukumbida kami sa reunion daw ng That’s Entertainment. Sino pa nga ba ang pupunta 27 years after na mawala ang show? “Tingnan na lang natin,” sabi ni Carmelites.
Dumating kami sa venue sa oras na sinabi nila, 5:30 ng hapon, masaya kaming sinalubong ng unico hijo ng master showman, ang ngayon ay board member ng MTRCB na si Federico Moreno, kasama ang leader noon ng Monday group na si Harlene Bautista. Hindi nagtagal, isa-isa nang nagdatingan ang members ng That’s Entertainment. Isa sa naunang dumating si Jennifer Sevilla, na sinundan naman ni Melissa Silvano, at marami pang iba.
Hindi rin namin sila kabisado lahat dahil ang madalas lang naman naming nakakasama noon ay ang Thursday group. Dumating din sina Gladys Reyes, Ara Mina, Billy Crawford, Ramon Christopher, Sunshine Cruz at Jaypee de Guzman. At natuwa kami nang matapos ang mahabang panahon nakita naming muli si Ronel Wolfe, na ang bati pa sa amin ay “natatandaan mo pa ba ako?”
Nag-dance marathon sila nina Jennifer Sevilla at Melissa Silvano, inabot kami ng alas-diyes ng gabi sa reunion, naroroon pa rin sila at nagkasiyahan.
May kinumbida silang isang pari para manalangin para sa kanilang lahat at lalo na ang mga kasama nilang yumao na, marami na ring members ng That’s… na pumanaw na at inalala silang lahat.
Napakasaya ng kanilang reunion, ang nakita namin ay para ba silang magkakapatid na muling nagkita na sabik sa isa’t isa.
Pauwi kami ay inihatid naman kami sa aming bahay ni John Nite, at habang papauwi kami, marami pa kaming napagtsismisan, blind items na iyon sa kasunod.
Aktor na kloseta, sunod ang bisyo sa mayamang bading!
Isa nga palang mayamang bading ang humahawak ngayon sa isang baguhang male star na gumagawa ng isang gay series sa internet. Talagang mayaman ang bading dahil naibili niya ang male star ng isang mamahaling kotse at gabi-gabi natutulog sila sa malalaking hotel.
Sunod din ang bisyo ng male star na nagbababad sa watering holes na sikat.
Ang hindi alam ng bading, sa watering hole na iyon ay nakikipag-contact pa ang male star sa iba pang mga bading na pinapatulan din niya, o kaya ay mga lalaking type rin niya dahil ang male star pala ay matagal na ring nagtatago sa kanyang closet.
- Latest