Tahasang sinasabi ni Marco Gumabao na ngayon nga ay masasabing quota na siya sa pagpapa-sexy sa mga pelikula.
Unang sabak niya sa pelikula ay kasama si Anne Curtis kaya’t ang inabangan na ng mga tao ay ang kanyang butt exposure, na tumindi hanggang sa itinambal nga siya kay Sharon Cuneta na ang natandaan ng mga tao ay ang sinabi ni Sharon na “ang laki-laki.” Sayang nga lang hindi nai-promote iyon na kagaya ng ibang pelikula ni Sharon kaya siguro mahina iyon lumabas, at saka hindi sanay ang fans ni Sharon sa video streaming, sanay sila sa sinehan talaga, kaya sa streaming count, tinalo pa iyon ng pelikula ni Angeli Khang sa Vivamax.
Pero ngayon sinasabi ni Marco na ayaw na muna niyang magpa-sexy, siguro nga ay gusto niyang mapatunayan ang kanyang abilidad sa acting kaya’t hindi na siya gagawa ng mga proyektong may frontal nudity.
Iyon namang kapatid niya sa ama na si Paolo Gumabao, nakahanda raw sa lahat ng klaseng sexy roles. At dahil nagawa na niya iyon, kaya raw niyang gawin ulit at kahit na higit pa roon kung iyon ang gusto ng audience.
Isipin ninyo iyan, magkapatid pero magkaiba ang pananaw sa buhay. Siguro nga kasi mas reserved at conservative ang ermat ni Marco na si Lolli Imperial, at baka mas liberal naman ang nanay ni Paolo.
Mga magagandang mukha sa showbiz, naalala!
Sa last night ng wake ni Manay Ethel Ramos, nagkatabi kami sa upuan ng aming kaibigan at kasama sa trabaho na si Julie Bonifacio, at kagaya ng dati basta kami ang nagkakasama, daldalang walang puknat iyan. Habang nagmimisa si Fr. Joey Faller, ang dami naming naririnig na side comments, at sabi nga ni Julie, mabuti naman daw at kami ang nakatabi niya dahil kabisado namin ang sunud-sunod na bahagi ng misa, kung kailan uupo, at tatayo.
Napansin din namin ang isang may edad na, pero magandang babae sa harapan namin, na nagsabi ring halata mo kung sino sa mga naroroon ang nagsisimba at kung sino ang hindi.
At saka lang namin na-realize na siya pala ang dating modelo na naging aktres din, si Gina Zablan. Lumalabas siya noon sa mga pelikula ng Tagalog Ilang-ilang Productions. Marami rin ang naging kuwento niya nang matapos na ang misa. At napansin nga naming, may mga taong maganda at nananatiling maganda hanggang sa kanilang pagtanda.
Hanggang nabaling ang kuwentuhan namin sa mga pinakamagagandang artista.
Hindi maikakailang ang isa sa pinakamagandang aktres ay si Amalia Fuentes. Perfect halos ang mukha na tinawag pa ngang “Elizabeth Taylor of the Philippines.”
Ang isa pang napakaganda ng mukha ay si Dawn Zulueta, maaari ba ninyong makuwestiyon ang kagandahan niya?
Ganundin si Marianne dela Riva.
Isa pang gustung-gusto namin ang beauty hanggang sa nagkaedad na ay si Mina Aragon. Kung kami ang tatanungin siya ang pinakamaganda sa Salvador clan.
At siyempre kaya hanggang ngayon ay gusto namin, si Vilma Santos.
Sa mga actor ay masasabi naming may pinakamagandang mukha ay si Alfie Anido.
Kasunod ni Alfie para sa amin ay si Aga Muhlach, lalo na noong nagsisimula siya noong panahon ng Bagets.
Iyong mga conservative sa kanilang choice ang sinasabi namang pogi ay si Richard Gomez.
Ang isa pang classic ang dating ng mukha ay ang yumao nang si Ricky Belmonte.
Isa pang classic ang dating ng mukha ay si Victor Laurel.
At marami pa ‘yang iba, pero kanya-kanya tayo ng choice.