Para kaming dinagukan pagkatapos ng isang misa kung saan nag-serve kami, kaya wala kaming cell phone, nang bumungad sa aming message ay anncouncement na yumao na nga raw ang aming kaibigang si Manay Ethel Ramos.
Katatapos lang ng isang announcement na nagsasabing sa kabutihang loob ng Arsobispo ng Nueva Caceres, si Bishop Rolando Tria Tirona, ay dadalhin sa amin ang isang replica ang Birhen ng Penafrancia, at ang naalala namin ay si Manay na laging gustong umuwi sa Bicol kung kapistahan ng mahal na Birhen ng Penafrancia.
Kahit na sinasabi naming ang original ay ang painting na nasa simbahan ng Penafrancia sa Paco, Maynila at ang nasa Caceres ay replica na lamang, doon pa rin niya gusto, kasi nga taga-Bicol din naman siya, at para sa mga Bicolano, ang Birhen ng Penafrancia ay kanilang ina.
Hindi lihim sa mga kaibigan niya kung gaano ka-relihiyosa si Manay Ethel. Noon bago siya pumasok sa kanyang opisina sa Escolta, nagsisimba muna iyan ng Linggo, maririnig mong dumarayo siya sa simbahan ng mga Carmelita sa Angeles City, dahil deboto rin siya ng Santo Nino doon.
Nang marinig niya sa amin ang bagong simbahang itinayo sa Batangas para kay Santo Padre Pio, tinanong niya kung papaano pumunta roon. At nang sumunod na buwan ay nakita na lang naming naroroon siya, kasama sina Virgilio Gonzales at Letty Celi na kapwa yumao na rin.
Maraming simbahang pinupuntahan si Manay Ethel, tila nagbibisita iglesia siya kahit na hindi panahon ng kuwaresma na ginagawa rin ngayon ni Jerry Olea.
Si Manay Ethel din yata ang pinaka-matagal na nanungkulan bilang presidente ng Philippines Movie Press Club at noon ang panahong iba ang paggalang ng mga tao sa PMPC.
Si Manay noon kung sabihin ay parang “ina ng laging soklolo”, basta may nabalitaan siyang nagkasakit, may problema, o namatay, asahan mo nariyan agad si Manay.
Naranasan namin iyan, noong mamatay ang mother ko, isa si Manay sa unang-unang dumating sa burol.
Noong ako naman ay unang magkaroon ng heart attack, hindi ko inaaasahan pero nakita ko si manay, nakangiti at kumakaway sa akin sa salamin ng ICU ng ospital.
Natatandaan ko ikinasal si Aga Muhlach sa Baguio at pumunta kami, panay ang lingon niya sa likod ng coaster kung saan kami umupo, dahil alam niya kalalabas lang namin sa ospital noon matapos ang aming ikatlong atake sa puso.
Nagalit siya noong nagsimula na ang kasal ay tumakas kami matapos na kumuha ng ilang shots, kasi nga nagpunta na kami sa kinausap naming photoshop sa Session Road para mabilisang gawin ang mga litratong kuha namin, na ipinadala namin kasama ang istorya noon sa isang diyaryo, kung saan naghihintay ang aming editor na si Butch Roldan para mauna kami sa istorya.
Eh malakas na malakas ang ulan noon, nagalit siya sa amin inuna pa raw namin iyon at hindi namin inalala ang sarili naming kalagayan.
Si Manay hindi ka niya ituturing na kaibigan eh, ang tingin niya sa mga kasama niya parang mga kapatid niya, parang mga anak niya. Kaya wala namang sumasama ang loob kung nakakagalitan niya.
Pero hindi naman yata marunong magalit si Manay, minsan lang namin siya nakitang galit nagalit sa isa naming kasamahan, kasi sobra naman ang sinabi laban sa kanya
Ngayon wala na si Manay, wala na ang kinikilalang dekano ng mga entertainment journalist.
Ito na ang simula ng isang panibagong era, na hindi natin alam kung masama o mabuti ba.