Heart, mas pinili ang amang may sakit kesa makipagsosyalan

Heart
STAR/ File

Isa siya sa inaasahang dumalo, pero hindi nakarating si Heart Evangelista sa kasal ng kaibigan niyang si Lovi Poe kay Monty Blencowe sa England, dahil mas pinili ni Heart na makasama ang ama niyang may sakit at nakaratay diumano sa hospital.

Tama naman si Heart, mas kailangan siya ng ama niya kaysa kay Lovi.

Natural din naman na mas pahalagahan niya ang ama niya kaysa sa kanyang kaibigan.

Pinatunayan lang ni Heart na siya ay isang mabuting anak at nauunawaan naman siguro iyon ni Lovi.

Star ni Mike sa Walk of Fame, dinagsa ng mga nakikiramay

Natatandaan namin nang unang ikinuwento sa amin ni Kuya Germs (German Moreno) noon ang binabalak na Walk of Fame, ang nasa isip niya ay magsilbing alaala iyon sa mga artista at iba pang may kinalaman sa sining, sports at media para naman sa hanggang tumanda sila at yumao na, maalala pa rin sila.

Originally hindi sa Eastwood balak iyan ni Kuya Germs. Una niyang binalak ilagay ‘yan ay sa kahabaan ng Quezon Avenue hanggang sa Quezon Memorial Circle matapos nilang mapagtagumpayang tawaging City of Stars ang Quezon City.

Ang sumunod na development, may isang grupo naman na gustong maglagay ng Walk of Fame sa Eastwood nga, ok kay Kuya Germs na maging consul­tant at maging isa sa mga pipili sa ilalagay sa Walk of Fame, nagkaroon pa iyon ng launching, pero last minute umurong din ang grupo, itinuloy ni Kuya Germs.

Natatandaan namin noon nabibigatan din siya sa presyo ng bawat tile na umaabot ng P35K ang isa, pero kahit mabigat mang gastusin para sa kanya, itinuloy niya.

Napakarami nang nailagay doon at napuno na ang harapan ng activity center ng Eastwood, bago pa nawala si Kuya Germs. Nang mawala na ang Master Showman, itinuloy nila iyon sa pamamagitan ng isang foundation na pinamumunuan ng anak niya na si Federico Moreno.

Pero siguro, hindi akalain ni kuya Germs na magkakaroon pa ng ibang silbi ang kanyang Walk of Fame. Noong Martes ng gabi, matapos na mai-announce ang kamatayan ng broadcaster na si Mike Enriquez, marami ang nakapansin na may naglagay ng bulaklak at nakasinding kandila doon sa tile na may pangalan at star niya.

Hanggang dumami na ang mga bulaklak at kandila, na para bang ang walk of fame ang naging sentro ng kanilang pakikiramay kay Mike.

Alam naming hindi lang si Mike ang matutuwa noon kundi lalo na ang nagtatag ng Walk of Fame na si Kuya Germs.

Ngayon ay nagkita na ang dalawa sa langit. Kapwa sila deboto ng Mahal na Birhen. Si Kuya Germs ay may debosyon sa Mahal Na Birhen ng Manaoag, si Mike ay deboto naman ng Ina ng Walang Mag-ampon, ang patrona ng Santa Ana, Maynila simula pa noong ika 17 dantaon.

Aktor, pumatol sa matrona para matustusan ang pamilya

Kinakaliwa ng isang male star ang kanyang misis, pero ang lahat naman ay ginagawa niya para sa kanyang misis at sa kanilang anak.

Sa panahong ito na bagsak ang entertainment, walang masyadong trabaho ang male star.

Kung mayroon man ay pasulput-sulpot lang, in the meantime dumarami ang bayarin nilang bills na sakit ng ulo basta naipon.

Hindi man niya gusto, napilitan ang male star na pumatol na isang matrona na matagal nang may kursunada sa kanya, sa kasunduang walang dapat makaalam na iba kung ano man ang nangyayari sa kanila.

Ganoon na nga ang nangyayari, at guilty pa rin ang male star dahil para sa kanya pandaraya iyon sa kanyang misis, pero ginagawa nga lang naman niya iyon para rin sa kanilang pamilya.

Show comments