Mga kaibigan ni Awra, walang maitapat na demanda
Bukod sa mga dating kasong isinampa ni Mark Christian Ravana at ng mga pulis na binastos niya nadagdagan pa ng tatlong kaso si Awra Briguela.
Pero hanggang ngayon walang pormal na reklamo ang mga barkada niyang sinasabi niyang hinipuan ni Mark kaya siya nagwala.
Hindi naman kasi sila puwedeng magsampa ng demanda, maliwanag ang CCTV sa simula pa lang ng kaguluhan, at marami ring saksi na nagsasabing walang hipuang naganap.
Kung magsasampa pa sila ng ganoong demanda tiyak na sasalubungin pa sila ng isa pang kaso, perjury.
Mabuti nga inunawa na lang nila si Awra dahil kung hindi sa ginawa niyang pambabastos na iyon sa mga pulis, maaari rin siyang ideklarang persona non grata.
Kung minsan kasi dapat mag-iisip din ang mga bading kung ano ang kanilang ginagawa.
Hindi sa lahat ng oras ay mapagpapasensiyahan sila.
Epal na vlogger, pinupuntirya ang mga masuwerteng lalake!
Tumalak na naman ang self-proclaimed motivational speaker / vlogger at ngayon naman ang gusto niyang marindi sa kanyang unsolicited advice ay si Ricci Rivero. Nakapanood lang siya ng isang vlog ni Vice Ganda kung saan sinabi ni Andrea Brillantes na marami siyang naibigay na regalo sa kanyang ex na si Ricci Rivero, at kung babawiin niyang lahat ang ibinigay niya mauubos ang kasangkapan noon sa kanyang condo.
Iyon lang at dumale na naman ito sa pagsasabing si Ricci raw ay dugyot na ay palamunin pa.
Pero kumbaga, hindi kasalanan ni Ricci kung gustuhin man ni Andrea noon na regaluhan siya ng mga gamit sa bahay. Siguro talagang in love siya at ang nasa isip niya kung magkakatuluyan nga silang dalawa, gamit din naman nila iyon.
Ganyan din ang talak ng vlogger kay Ion Perez, palamunin daw ng bakla.
Pero pogi si Ion. Na-in love sa kanya si Vice at dahil doon binigyan siya ng lahat ng kailangan niya at kailangan ng kanyang pamilya.
Lumang isyu na ito kumbaga, at ang punto walang karapatan ang nasabing nagpapakontrobersyal na vlogger na panghimasukan ang buhay ng may buhay.
Ang buhay niya ang ayusin niya.
Yumaong dating young star, inuungkat ang pagiging GRO
Ilang panahon na rin naman yumao ng isang dating young star, pero hanggang ngayon pinag-uusapan pa rin ang minsan ay pagtatrabaho niya bilang GRO sa isang gay bar sa Roxas Boulevard. At nadagdagan pa ng kuwento ng mga nagsasabing “naimbitahan” siya sa VIP room ng club.
Siguro nga sa tingin ng karamihan ay mali iyon dahil artista siya. Pero intindihin din ninyo, kung noong mga panahong iyon ay wala ngang mabalingan at wala siyang pagkukunan, masisisi ba ninyo siya? Sino ang magbibigay sa kanya ng kanyang mga pangangailangan? Iyan bang mga gumagawa ng tsismis hanggang ngayon, susustentuhan siya nang wala ring hinihinging kapalit?
- Latest