May nakapuna kung bakit daw ba ang hosts ng isang awards night ay nanalong lahat ng awards?
Hindi raw ba masasabing “kaya sila pinapanalo ng awards ay dahil pumayag silang maging host nang walang bayad.”
Sad to say hanggang ngayon ay walang batas na sumasaklaw sa award giving bodies, lalo na ang film awards, kahit na noon ay pilit nilang isinusulong ang isang batas, dahil sa naganap na film festival scam, ni hindi nga nila malaman noon kung anong kaso ang isasampa nila laban sa mga gumawa ng scam, at ang masakit hindi naman lahat ng involved ay naparusahan, hindi nga kasi nila alam kung ano ang ikakaso dahil walang batas na sumasaklaw riyan.
Kami itinigil na namin ang pagbibigay ng komento sa mga ganyan, after all sa ngayon, isa na lang namang award-giving body ang pinagkakatiwalaan namin, ang The Eddys ng Society of Philippine Entertainment Editor (SPEEd).
Alam namin kung ano ang kanilang criteria, at alam din namin kung gaano sila kahigpit sa pagpapatupad ng criteria nila.
Hindi lang kasi nakataya ang kanilang integridad bilang editors ng mga inirerespetong diyaryo, nakataya rin doon pati ang pangalan ng mga diyaryo na kinakatawan nila, at hindi mga diyaryong hotoy-hotoy iyon.
At ang editors, sinasala rin, hindi lahat isinasali nila. Kailangan iyong alam nilang may integrity. Isa pa, simula nang mag-umpisa ang The Eddys, wala kaming narinig na lagayan. Hindi gaya ng iba na mukhang legal na sa kanila ang pagtanggap ng lagay mula sa mga gustong manalo.
Natatandaan namin noong manalong best actress sa Eddys si Ate Vi (Vilma Santos), hiyang-hiya siya dahil nasa abroad nga siya noon at hindi niya natanggap nang personal ang award. Gusto sana ni Ate Vi na magpasalamat sa kanila, ang gusto lang naman niya ay mag-host ng isang simpleng dinner. Pero maging iyon, at kahit na tapos na nga ang awards night, tinanggihan ng SPEEd (Society of the Philippine Entertainment Editors). Ayaw nilang magkaroon ng kahit na anong bahid ang pagbibigay nila ng awards.
Ang laki ng kaibahan sa isang award-giving body, na ang nanalong artista ay pinipilit nilang mag-blowout sa kanila, at hindi lang basta blowout, kailangan daw may “pasasalamat na naka-sobre pa.” Hindi ba ang kakapal?
Kaya bakit pa kami kikibo, basta hindi na lang kami naniniwala at hindi namin pinapansin ang mga mga award-award na ‘yan na alam naming pinagkakaperahan lang ng mga nagbibigay.
Lea, mas minahal ng fans
Naging viral sa social media ang video ng isang netizen na nag-post kung saan tinanggihan ni Lea Salonga ang ilang Pinoy na pumasok sa kanyang dressing room sa Broadway para magpa-picture.
Ang dressing room ng mga artista ay hindi naman dapat na pinapasok ng ibang mga tao. Una, naroroon sila para magbihis, naroroon din sila para magpahinga.
Papaano kung may mga alahas doon at mawala. Maski nga sa kanilang shooting o taping, hindi dapat na pumasok ang kahit na sino, kahit na kaibigan mo pa ang artista bilang respeto sa kanila, unless sila ang tatawag sa iyo.
Maski nga mga press people, hindi naman dapat na nasa loob ng dressing room para mag-interview, dapat hintayin nilang matapos ang performance at kung lalabas na ang mga artista doon nila abangan at kausapin.
Mabuti nga at ipinaliwanag pa sa kanila ni Lea ang protocol, kung iba iyon, minura na lang sila.
Big time pimp nung ‘80S, ‘di napantayan ng bugaw ngayon
Nakakuwentuhan namin ang isang kaibigan naming character actress from way way back at aywan nga ba kung bakit ang napagkuwentuhan naman namin ay isang Ermita pimp na sumikat noong late ‘70s hanggang ‘80s.
Pimp siya ng mga lalaki, at big time siya. May mga artistang nasa kanyang listahan na maaari niyang mai-book. Minsan ang isang rich boy na asawa ng isang beauty queen ay nagdaan din sa kanyang booking list, at nai-book yata niya nang ilang ulit din sa mga mayayamang bading.
“Wala talagang nakapantay sa naging kasikatan ng pimp,” sabi ng aktres.
Totoo naman iyon dahil lahat halos ng mga bading na may pera, imposibleng hindi nakakuha ng boys niyang lahat naman halos ay class A, na nakaistambay sa kanyang bar malapit sa Luneta.
May mga patago rin, iyong mga medyo sikat na kung sabihin niya ay “by appointment lang,” pero naide-deliver niya hindi gaya ng isang pimp ngayon na kung magpresyo raw ay kasing taas na ng langit hindi pa nakakapag-deliver.