Sunshine, naka-tie si Charo sa best actress!
Maningning at matagumpay ang 38th Star Awards for Movies ng The Philippine Movie Press Club, Inc. (PMPC) na ginanap nitong Linggo, Hulyo 16, 2023, sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Nakipagsanib-pwersa ngayong taon ang PMPC sa Gutierez Celebrities & Media Production na pinamumunuan ni MJ Gutierez para ihatid ang modern Filipiniana theme ng naturang awards night.
Kaya naman nakatutuwang pagmasdan ang pagrampa sa red carpet ng celebrities at guests suot ang kanilang magarbong barong at Filipiniana gowns sa pangunguna ng hosts ng gabi ng parangal na nagwagi rin ng special awards - Claudine Barretto (Female Star of the Night), Sunshine Cruz (Face of the Night), Alfred Vargas (Darling of the Press), at Christian Bautista (Male Star of the Night).
Marami sa mga nagwagi ang naging emosyonal at hindi napigilang mapaiyak sa pagtanggap ng kanilang award gaya na lang ni Sunshine Dizon na itinanghal na Movie Actress of the Year para sa pelikulang Versus.
Naka-tie ni Sunshine sa award si Charo Santos-Concio para sa Kun Maupay Man It Panahon.
Emosyonal din ang special awardees na sina Ms. Helen Gamboa at Direk Chito Roño.
Ang anak ni Helen na si MTRCB Chairperson Lala Sotto ay kasama ng PMPC president and past presidents sa pagbibigay sa veteran actress ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award.
Napaiyak naman si Direk Chito sa sorpresang pagdalo ng kanyang mga alagang Streetboys na kinabibilangan nina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Danilo Barrios, Meynard Marcellano, Joey Andres, Christopher Cruz, at Nicko Manalo upang igawad sa kanya ang kauna-unahan niyang lifetime achievement award na Ulirang Alagad Ng Pelikula Sa Likod Ng Kamera.
Ayon kay Direk Chito, bihira kasing mabuo at mapagsama sa event ang Streetboys kaya labis niya itong ikinatuwa.
Humakot ng major awards ang pelikulang Katips sa pangunguna ng Indie Movie of the Year at Indie Movie Director of the Year para kay Vince Tañada.
Si Vince din ang itinanghal na Movie Actor of the Year habang ang co-actor niya sa pelikula na si Johnrey Rivas ang nagwaging Movie Supporting Actor of the Year.
Marami rin ang naiuwing parangal ng On The Job 2: The Missing 8 abilang na ang Movie of the Year, Movie Director of the Year para kay Erik Matti, Movie Supporting Actress of the Year para kay Lotlot de Leon (ka-tie si Janice de Belen para sa Big Night!), Movie Ensemble Acting of the Year para sa buong cast, Movie Screenwriter of the Year (Michiko Yamamoto), at Movie Sound Engineer of the Year (Corinne De San Jose).
Mas pinakinang pa ang gabi ng parangal ng world-class performances ng The Company, Daryl Ong, Marlo Mortel, at ng Concert King na si Martin Nievera. Ang awards night ay pinamunuan ng kasalukuyang Pangulo ng PMPC na si Fernan de Guzman bilang overall chairman kasama ang 2023 PMPC officers at board of directors.
Ang kasalukuyang Vice President na si Mell Navarro ang tumatayong chairman ng 38th Star Awards for Movies katuwang ang PMPC Asst. Treasurer na si Lourdes Fabian bilang co-chairman. Si Frank Lloyd Mamaril ang direktor ng gabi ng parangal.
Ang kabuuan ng awards night at pagtatanghal ay mapapanood sa ALL TV Network sa Linggo, Hulyo 23, 9pm.
- Latest