Kaladkaren, ayaw makumpara kay Vice Ganda!
Matapos manalong Best Supporting Actress sa first Summer Metro Manila Film Festival for the film, Here Comes The Groom last April, unti-unti nang gumagawa ng sariling pangalan sa industriya ang impersonator ni Karen Davila na si Kaladkaren or Jervi Li.
Since then ay nagsunud-sunod na nga ang offers sa kanya at ngayon ay napapanood na bilang showbiz newscaster sa Frontline Pilipinas ng TV5.
Bukod dito, kahapon ay pumirma na ng kontrata si Kaladkaren sa Star Magic as her new management.
Sa contract signing ay hindi napigilang maging emosyonal ni Jervi sa mainit na pagtanggap sa kanya ng Star Magic family. Bukod dito, napaiyak din siya sa message of love and support sa kanya ng fiancé na ipinakita sa AVP.
“Naiyak ako kasi, hindi na kami nagkikita. Nasa bahay siya, pag-uwi ko, tulog. Pag-alis ko, tulog pa rin siya. So, kanina, nag-text sa akin, nag-sad face na,” kwento ni Karen.
At dahil nga super-busy na siya ngayon, aminado siya na parang nagsisimula na niyang maranasan ang hirap ng pagsabayin ang love life at career.
“Parang ngayon nararamdaman ko,” natatawa niyang sabi. “Nung una, parang sakto-saktohan lang, eh. Ngayon, parang ‘ha? Teka lang, anon’g gagawin ko?’ Ang hirap din pala talaga. Pero I’m happy and blessed na at least, ‘di ba marami tayong ginagawa at marami tayong nai-inspire dito sa mga ginagawa natin sa showbiz.”
Dream come true raw sa kanya na maging part ng Star Magic family at bata pa lang daw siya ay nakikita na niya ang mga artistang pinasikat ng talent agency.
Hindi raw niya inakalang posible rin para sa isang katulad niya ang mapabilang sa ganito kalaking ahensya.
Sa ngayon ay may mga naka-line up nang project kay Kaladkaren kabilang na ang isang teleserye, reality show at pelikula.
When asked kung ready na ba siya na maikumpara kay Vice Ganda, ayon kay Jervi ay ibang level naman daw si Meme.
“Parang ‘pag sinabi mong Vice Ganda, Unkabogable Box Office, Phenomenal Superstar, parang incomparable si Vice Ganda, eh. Hindi mo siya pwedeng ikumpara kahit kanino,” aniya.
Iba naman daw ang ginagawa niya kay Vice Ganda at napakahusay nito sa mga larangang ginagawa tulad ng pelikula, concert at stand-up comedy.
“Ako naman, transgender woman ako, iba ‘yung branding ko siyempre kay Meme. I also do the news na hindi naman niya ginagawa. Sa hosting, iba rin ‘yung style niya sa hosting kasi mas nakakapagpatawa siya, so mas iba ang atake niya kaysa sa akin,” paliwanag ni Jervi.
Walang-wala raw siyang planong agawin ang trono ni Vice.
“Hindi. At saka, wala akong balak mang-agaw ng trono ng kahit na sino,” aniya.
- Latest