Hindi pa pala nagkaayos ang isang aktor at ang former manager niya at umiiwas pa rin ang aktor na makita ang manager kahit sa Zoom lang sila magkikita. Nagkaroon kasi ng storycon ang isang bagong project ng aktor via Zoom at nag-imbita ng press para magtanong sa cast.
Sa umpisa ng Q&A, game na game ang aktor sa pagsagot sa mga tanong. Pero, nang ang dati na niyang manager ang magtatanong sa kanya, bigla siyang nawala sa screen, hindi na siya available. Ang sabi na lang ng host ng storycon, may importanteng ginawa ang aktor kaya bigla siyang hindi na available.
Actually, nasa isang event ang aktor, pero sabi nito sa simula ng storycon, nagpaalam siya para makasali sa Zoom storycon.
Hindi na lang kumibo ang ex-manager, maganda sana kung natanong niya ang dating talent na ang natatandaan namin, bigla na lang umalis sa poder niya nang hindi nagpapaalam. Nabalitaan na lang niya na may iba na itong manager.
Rob Gomez, in demand agad
Maganda ang role ni Rob Gomez sa Afternoon Prime ng GMA 7 na Magandang Dilag, bilang isa sa two leading men ni Herlene Budol. Ibig sabihin, bida si Rob kasama si Benjamin Alves na isa pa sa leading man ni Herlene.
Later on, sa story, lalabas na bida-kontrabida siya dahil lolokohin lang pala nito si Gigi (Herlene) at girlfriend na niya si Blaire (Maxine Medina).
Hindi takot si Rob na ma-bash at magalit sa kanya ang viewers at hindi rin mapili sa role, mapabida man o kontrabida kapag maganda ang role, kanyang tinatanggap.
Bukas na, Monday, 3:25 p.m., ang premiere ng Magandang Dilag sa direction ni Don Michael Perez.
Talent ng Regal Entertainment si Rob, kaya sunud-sunod ang project sa Regal, isa siya sa magbibida sa bagong collab project ng Regal at GMA Network na Lovers and Liars. Makakasama niya sina Yasser Marta, Kimson Tan at Mikee Quintos.
May gagawin pang pelikula sa Regal si Rob at ang nabasa namin, kasama siya sa cast sa ibabalik na Shake, Rattle & Roll.
Joross, dinedma rin ni Paolo!
Sa mediacon/premiere night ng Ang Pangarap Kong Oskars, nabanggit ni Joross Gamboa na isa siya sa mga kaibigan ni Paolo Contis na tumawag dito noong first day ni Paolo sa Eat Bulaga. Isa rin siya sa mga hindi sinagot ni Paolo at nabanggit niya sa interview sa kanya na sinadya niyang hindi sagutin ang mga nagte-text at tumatawag dahil umiwas sa mga ibabalita sa kanya.
Siguro naman, nagkausap na ang dalawa bago pa magkita sa premiere night/mediacon ng Mavx Productions movie at naipaliwanag ni Paolo kung bakit hindi niya sinagot ang tawag nito.
Anyway, magkasama ang dalawa sa nabanggit na pelikula at natanong si Joross kung magpu-promote ba siya sa Eat Bulaga na isa si Paolo sa mga host?
Ang sagot ni Joross, kung saan puwedeng mag-promote game siya. Showing na sa June 28, ang nasabing movie na bida sila ni Paolo.
Nakakatawa ang Ang Pangarap Kong Oskars na mula sa direction ni Jules Katanyag. Horror-comedy na may mga zombie pa at manananggal. Eleven days ito kinunan at may mga eksena pa sa Catanduanes at Cavite. Masaya raw sa set at ang nakalaban lang ng cast ay ang ulan, pero naitawid din at heto nga, ipalalabas na.