DENVER — Nakasakay sa isang trak ng bumbero, ipinagdiwang nina Nikola Jokic at Jamal Murray kasama ang buong Nuggets team ang kauna-unahan nilang NBA trophy sa isang victory parade.
Nabasa sina Jokic at Murray at kanilang mga teammates ng champagne spray, habang umagaw ng atensyon ang anak ng Serbian center na si Ognjena na nakasuot ng championship hat.
Libu-libong fans ang dumagsa para sa unang NBA title ng Nuggets matapos ang 47 seasons.
“This is amazing,” sabi ni Jokic. “We’re all going to remember this our whole lives.”
Sinibak ng Denver ang Miami Heat sa Game Five ng kanilang best-of-seven championship series para tapusin ang matagal nilang paghihintay sa korona.
“It’s hitting me right now,” wika ni coach Michael Malone. “This is an amazing experience.”
Maramng eksenang nangyari sa parada.
Inihagis ni rookie Christian Braun ang kanyang suot na t-shirt sa mga tao, habang nakipag-tsikahan naman si veteran DeAndre Jordan sa mga fans na binigyan rin niya ng high-fives.
Pinirmahan ni Murray ang isang painting niya at umakto si Kentavious Caldwell-Pope bilang TV broadcaster nang kapanayamin niya si teammate Aaron Gordon.
“KCP, reporting live,” ani Caldwell-Pope na katabi si Gordon sa Denver 7 broadcast. “How does it feel to be a champion?”
“You would know, champ,” sagot naman ni Gordon kay Caldwell-Pope.
Ito ang ikalawang sunod na Hunyo na nagkaroon ng victory parade ang Denver matapos ang paghahari ng Colorado Avalanche sa Stanley Cup.