Ang lakas ng tawa namin sa isang comment na narinig namin tungkol sa bago raw Eat Bulaga. Ang sabi sa amin, “para lang iyong mga gamot ng Intsik na ipinagbibili sa internet.” Ang tinutukoy ay iyong napakaraming iba-ibang gamot na laganap ngayon ang bentahan sa social media, mahal pa ang presyo at pagdating sa iyo wala kang maintindihan dahil Chinese characters ang nakasulat. At kung gagamitin mo wala namang epekto sa sakit mo gaya nung sinasabi nila. Bakit naman doon ikinumpara ang bagong Eat Bulaga? Palagay namin maling ginamit pa nila ang titulong Eat Bulaga. Kung ibang title ang ginamit nila, baka naiwasan pa nila ang matinding comparison, eh sa totoo lang naman talo sila basta ikinumpara iyon sa OGs.
Aba eh para ka lang nanonood ng karera ng daga sa peryahan eh. Sa live audience nila, may mananalo ng isang libo, sa labas naman daw kung maipapakita mo ang picture mong nanonood ka sa kanila mananalo ka ng mamahaling cell phone. May nanalo ba talaga?
Maraming nakakahinayang. Una, nanghihinayang kami kina Mavy at Cassy Legaspi, ang gagandang bata. Mapakikinabangan iyan bilang artista talaga, eh isinaksak nila riyan sa isang show na mukhang hindi naman tatagal, masisira na ang career niyan. Dapat si Ken Chan na lang sana. Si Paolo Contis, natutuwa naman kami na naging host siya ng Eat Bulaga kahit na sa tingin namin ay hindi rin naman tatagal.
Kasi dagdag na kita iyan para sa kanya, baka sakaling masustentuhan na niya ang tatlo niyang anak. Iyong dalawa nga galit na sa kanya at ayaw nang gamitin ang apelyido niya. At saka baka sakaling mabuntis na naman niya ang girlfriend niya ngayon, may maipangsuporta naman siya. Iyong si Betong Sumaya, aywan kahit na minsan hindi kami natawa sa kanya. Ang maganda hindi na lang kami nanood, nakatipid na kami sa kuryente kahit na kaunti, lalo’t magmamahal na naman ang singil sa kuryente ngayon.
Si Alden Richards, nagsalita na. Kaya pala wala siya sa Eat Bulaga, kasi ang loyalty raw niya ay nasa original na Eat Bulaga. Natural dahil doon siya sumikat bilang bahagi ng AlDub. Eh kung sasama ba siya sa bagong Eat Bulaga, baka mabatak pa pababa ang popularidad niya.
Ano naman ang tsismis sa original na Eat Bulaga? Ilang araw raw mula ngayon ay may announcement na sila kung saan sila lilipat. Maraming nag-aalok daw sa kanilang network pero malakas ang tsismis na sa TV5 sila pupunta.
May mga palatandaang hindi napapansin, baka raw sa July pa magbalik ang totoong Eat Bulaga sa TV. Kasi by that time, tapos na ang blocktime agreement ng TV5 sa ABS-CBN, para ipalabas ang It’s Showtime ng alas dose.
Maaaring hindi na i-renew ang kontratang iyon, at ipasok na nga ang Eat Bulaga. Hindi papayag ang Eat Bulaga na alisin sila sa noontime slot, at iyon din naman ang habol ng TV5, mapapalakas noon ang pre-programming, ibig sabihin ang mga time slots sa umaga, at lalo na ang kanilang afternoon time slot.