Leandro Baldemor,, naranasang magtinda ng tilapia
Ang ganda na talaga ng buhay ng dating sexy actor na si Leandro Baldemor. Actually halos limot na ang pagiging sexy actor niya, Seiko Films days.
Mas kilala na siya ngayong visual artist.
At ang gaganda ng mga obra niya - sculpture and paintings.
Pero hindi lahat ay binebenta niya. ‘Yung mga pakiramdam niya ay masuwerte sa kanya, inilagay niya sa isang showroom. “Meron akong proud na talagang ginawa nung simula pa lang,” umpisa niya sa isang instant kuwentuhan sa kanyang showroom sa Paete, Laguna.
“Kasi may magic ‘yon. Saka ‘yung isa pa, yung Black Nazarene sa Quiapo na 15 ft. ‘Yun ‘‘yung mga ‘di ko malilimutan ng Obras de Paete (Showroom / Gallery),” umpisa niya.
At hindi raw mabilis gumawa ng isang obra. “Matagal siya, siguro mga six months yon (Black Nazarene). Tapos ‘yung sa Iloilo.
“’Yun ‘yung mga ‘di ko malilimutan kasi ‘yun bang nagtiwala sa iyo ‘yung client katulad nung Voltes V, nagtiwala sa akin yung kliyente. Kaya medyo maganda na nakatatak na ako (bilang visual artist),” sabi pa niya.
Nung bagets ba siya na-imagine niya na ito ‘yung magiging trabaho niya?
“Hindi, ayoko ng kahoy noon. Actually kasi simula bata ako, ‘yun na ang hanapbuhay namin – amoy ng kahoy, amoy ng barnis, amoy ng pang-ukit, ‘yun na ‘yon, eh. Nandun na ‘yun, nakatatak na kaya nga sabi ko nga kay Lord ‘ayoko na’ kasi ang dami kong hanapbuhay na sinubukan.”
At sinubukan daw niya lahat. “Nag-tilapia ako, nag-manok, chicharon, restaurant, lahat sinubukan ko, computer shop, bar, hindi ako nag-click. Kaya sabi ko ‘Lord, please help me.’ “Yon, nagsimula ako sa isang ulo (ukit ng kahoy),” kumpisal pa ng aktor na hanggang ngayon ay napapanood pa rin sa mga teleserye ng GMA 7.
“Nag-start ako 15 or 16 years ago so artista na ako nun, 25 o 26 years na ako sa showbiz. Nagpamilya ako nun, medyo sabi ko ‘hindi tayo pupuwedeng ganito-ganito lang ang kikitain natin kasi pupunta ka ng Japan, three months, six months, uuwi ka rito ubos-ubos ang pera, balik ka na naman so walang nangyayari, so kailangan talaga hanapbuhay,” at ito na nga.
Pero kahit daw kilala na siya bilang visual artist, hinahanap pa rin niya ang showbiz.
“Hinahanap ko nung una, ayaw ko magpakaimpokrito, kailangan ko ng showbiz dahil sa… iba na kasi ngayon ang kliyente. Ang kliyente ngayon hindi na pupuntahan ang shop mo most of the time, kung ‘di ka nila makikita.
“‘Pag siyempre artista ka, nakilala ‘yung page mo, kaya ‘yung page ko 30K followers na ‘yan, ‘yung Paete Handicraft by Leandro Baldemor. ‘Pag kasi artista ka, tatawagan ka sa telepono, ‘di ba ikaw si Leandro’ papakilala ka na para break agad ‘yung ice, tiwala, ok na agad so malaking bagay ‘yung active ka sa showbiz kasi alam nilang may hahabulin sila,” depensa niya kung bakit nga nanatili siyang nagtatrabaho sa showbiz.
May sinabi siyang dalawang teleserye sa GMA 7 na gagawin pero bawal pang banggitin kung sino ang mga bida rito.
- Latest