TVJ, may offer sa tatlong network
Matapos ang pamamaalam nina Tito Sotto, Vic Sotto and Joey de Leon (TVJ) sa TAPE, Inc. (producer ng Eat Bulaga) last May 31, kinumpirma ni Tito Sen na muli silang mapapanood sa Eat Bulaga very soon pero sa ibang network na.
Sa panayam kay Tito Sen ng mag-asawang Julius at Christine Babao ay inamin ng veteran TV host/singer/politician na sa ngayon ay tatlong network na raw ang may offer sa kanila. Nakikipag-usap daw sila sa Net25, Cignal, One Ph and TV5.
“Saka nakakatuwa, ‘yung isang member ng board ng Channel 9, kaibigan ko, anak ni (yumaong) Kitchie (Benedicto, dating RPN-9 executive), tumawag sa akin, tinatanong kung gusto naming i-consider sila,” pagbabahagi ni Tito Sen.
Sa ini-release na statement ng TAPE, Inc. last Thursday ay nakasaad na tuloy pa rin ang Eat Bulaga with new hosts. Kaya naman, natanong nina Julius at Tin kay Tito Sen ang copyright ng titulo.
Ayon kay Tito Sen, naka-copyright daw ang Eat Bulaga title sa TVJ. “Kaya sige, ‘di gamitin muna nila (ng TAPE ang Eat Bulaga title) habang nag-iisip pa kami kung ano ang susunod naming steps, pagkatapos, di bayaran. Madali namang maningil, eh.”
Pero sa ngayon ay hindi pa binanggit ni Tito Sen kung nakapagdesisyon na sila kung alin ang tatanggapin nila pero ang sigurado ay hindi pa magreretiro ang TVJ at nais pa nilang i-celebrate ang 50th anniversary ng Eat Bulaga which is six years from now.
Magdiriwang din ng 44th anniversary ang Eat Bulaga sa July 30, 2023 at ayon kay Tito Sen ay sinisikap nilang makabalik before this date para i-celebrate ito.
“Hopefully, very soon (mapanood na sila), kasi, ayaw naming mawalan ng trabaho ‘yung mga production staff, saka ‘yung mga empleyado, ‘yung mga ibang crew, mga camera man,” aniya.
Marami rin daw silang bagong pasabog sa kanilang pagbabalik.
“Marami kaming gustong gawing bagong portion after July 30,” aniya.
“Naku magaganda, nakakatuwa,” dagdag pa niya.
Ayaw munang sagutin ni Tito Sen kung ilang percent na ba ang kanilang desisyon sa kanilang napipisil na network dahil baka raw may magtampo. Pero nasa pagitan daw ng 85 at 90% ang kasiguraduhan.
“Mag-uusap pa ulit kami, may meeting kami mamaya,” aniya.
Sinigurado rin niyang kasama ng TVJ ang buong Dabarkads na nagsipag-resign din sa TAPE, Inc. noong May 31.
Sa huli ay nagpasalamat si Tito Sen sa lahat ng mga nakikisimpatiya at sumusuporta sa kanila. Labis daw na ikinaantig ng kanilang damdamin ang mga nababasang magagandang mensahe sa kanila ng ating mga kababayan sa buong mundo.
“Si pareng Joey, mga tatlo o apat na beses nang umiiyak, eh. Sinasabi sa akin habang kausap ko sa telepono. Natutuwa kami. Sobra ang pasasalamat namin si Panginoong Diyos, una sa lahat.
“Pangalawa, sa ating mga kababayan, sa kanila na tumangkilik ng Eat Bulaga, tumangkilik ng TVJ, ay taos-puso ang aming pasasalamat at ‘di naman kami makakarating dito kung ‘di dahil sa kanila,” pahayag ni Tito Sen.
- Latest