Ngayon lang nagsisimulang lumabas na may mga nararamdaman na pala si Alma Moreno. Pero ang sakit namang kanyang nararanasan sa ngayon ay normal sa senior citizen ka na.
Maalaga naman si Alma sa kanyang kalusugan, pero siguro dahil sa kasasayaw niya noong araw, at dahil sa iba pang activity bilang isang artista kaya may mga epekto ‘yun sa kanyang katawan.
Pero sa panahong ito ay marami nang mga makabagong paraan at mahuhusay na doktor na maaaring tumingin sa kanya at magbigay ng gamot.
At kagaya nga ng madalas naming sinasabi, maraming mga doktor na mahuhusay pero ang nagbibigay pa rin ng kagalingan ay ang Diyos.
Pangalan ni Vina, nilinis ni Chavit
Siguro nga sa lahat ng mga artistang nakasama namin at nakilala, masasabi naming si Vina Morales ang kabisado namin.
Twelve years old lang si Vina nang makilala namin. Dinala siya sa Manila noon matapos na manalo sa Cebu Metro Pop.
Ang kanta ay ginawa ng isang pari, si Fr. Frederick Malinao. Napanood iyon ng regional manager ng Viva sa Cebu, sinabi kay Boss Mina Aragon (misis ni Boss Vic del Rosario) na agad namang nagdesisyong dalhin ang bata sa Maynila.
Kasama ni Vina ang kanyang mga mga magulang at kapatid nung lumuwas sila, kasi kung talaga ngang magiging singer na si Vina, kailangang dito na sila tumira.
Sa simula ay pinakanta siya sa isang restaurant noon na Viva rin ang may-ari, iyong Circus Circus sa North EDSA. Doon siya nahasang kumanta sa harap ng maraming tao, at natuto rin siya mula sa ibang mga singer na nakakasabay niya.
Tapos nag-That’s Entertainment siya kaya nagsimula siyang magkaroon ng malawak na TV exposure, at hindi nga nagtagal, gumagawa na rin siya ng mga pelikula, at serye sa telebisyon.
Malakas ang dating ni Vina sa publiko, dahil maganda naman talaga ang boses niya bukod sa maganda ang mukha.
Iyon nga lang nang dumating ang panahon na puwede na siyang isabak sa big time, at saka naman nawala ang kanyang manager na si Boss Mina, tumamlay ang career ni Vina. Hindi na kasi nila alam kung ano ang susunod na gagawin sa kanya, wala namang napagbilinan si Boss Mina ng kanyang mga plano, pero naroroon pa rin naman si Kuya Germs, na naniniwala sa kanyang talent.
Pero dahil sa rami rin nila sa That’s naging limitado rin ng kilos ni Kuya Germs para sa kanya.
Habang patuloy naman ang gawa niya ng pelikula sa Viva.
Hanggang naging isa siya sa mga highest paid stars noon sa out of town shows. Ang kita niya sa isang out of town show ay malaki pa sa four days na taping ng drama sa TV. Kaya naman on her own nasuportahan niya ang kanilang pamilya dahil hindi na rin naman halos makapaghanapbuhay ang parents
niya sa pagbabantay sa kanya.
Siguro nga masasabing minsan ay nagkamali na rin siya sa kanyang buhay, nang magkaroon siya ng isang anak out of wedlock.
Pero pagkatapos noon naging masyadong maingat na si Vina sa kanyang love life.
Ang daming nanligaw pero wala na kaming narinig na naging affair niya maliban na lamang nitong mga nakaraang araw na inili-link siya kay dating Governor Chavit Singson.
Mabuti naman at ang gobernador na rin ang nagsabing may mga artistang kaibigan niya ang kanyang tinutulungan, kabilang na nga si Vina pero hanggang ganun lang.
Si Vina naman tahimik lamang sa tsismis dahil wala naman siyang dapat sabihin at lalong walang dapat na ipaliwanag.
Naalala namin ngayon, matagal na nga palang walang project na ginagawa si Vina.
Naku baka makalimutan na ng mga tao na aktres din nga pala siya.
Ka-double ni Alden Richard, ‘di pa nababayaran
May nakita kaming post sa Internet ng isang baguhang talent na naging isa raw sa mga finalist ng sa Mr. Pogi ng Eat bulaga noong araw. Dahil nga nakasali sa Mr. Pogi, at pogi namang talaga, nakuha in daw siya bilang guests sa ibang mga show ng GMA. Ang inireklamo niya ay isang taping ng drama, kung saan daw siya kinuha bilang double ni Alden Richards. Pagdating sa set, pinilit daw putulan ang kanyang buhok kahit na ayaw niya. Nasira raw ang kanyang buhok dahil sa kapabayaan ng hairdresser.
Tapos iyong kanyang talent fee na 5 thousand lang naman, ang sabi raw sa kanya isasabay na sa iba pa niyang mga talent fee.
Ok lang naman sa kanya. Pero noon pa raw 2014 iyon, nakabalik na siya sa US at hanggang ngayon hindi na siya nabayaran para sa taping na iyon.
Pero hindi na bago ang ganyang kuwento kumbaga.
Maraming mga kakilala ako na hindi nababayaran ng talent fee. Hindi lang sa TV kundi pati sa pelikulang ginawa nila.