LPA sa silangan ng Mindanao posible maging bagyo 'in 2 days'
MANILA, Philippines — Binabatayan ngayon ng PAGASA ang isang low pressure area sa labas ng Philippine area of responsibility, bagay na posibleng maging bagyo sa mga susunod na araw.
Ayon sa state weather bureau ngayong Huwebes, natagpuan kaninang 3 a.m. ang sama ng panahon 2,200 kilometro silangan ng Mindanao na siyang nasa labas pa ng PAR sa ngayon.
"Favorable 'yung conditions para ito'y maging isang bagyo sa susunod na dalawa hanggang apat na araw," ani DOST-PAGASA weather specialist Benison Estareja sa isang live stream kaninang umaga.
"Maaaring over the weekend hanggang sa Lunes ay maging tropical depression o mahinang bagyo po ito."
Batay sa track ng LPA sa ngayon, lumalabas na pahilaga hilagangkanluran ang tinatahak nito sa ngayon sa susunod na apat na araw.
Mananatili raw itong malayo sa kalupaan at hindi makaaapekto sa anumang parte ng bansa sa susunod na tatlong araw. Pero dapat pa rin daw obserbahan ang sama ng panahon lalo na sa susunod na linggo.
"Maaaring sa kalagitnaan or maaaring towards the weekend next week pa ito papasok ng ating Philippine area of responsibility," dagdag pa ni Estareja.
"But then dahil sa tagal pa, posible pang magbago ang direksyon at 'yung characteristic ng weather disturbance na ito."
Kung sakaling makapasok ng PAR ang bagyo, tatawagin itong "Betty."
Inuulat ito ng local meteorologists kahit na nasa ilalim pa ang Pilipinas ng hot dry season o tag-init.
Gayunpaman, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na magdala ng payong tuwing hapon at gabi lalo na't papalapit na ang panahon ng tag-ulan.
- Latest