Nagulat kami sa balita sa TV, tinanggihan daw ni Bea Alonzo ang pelikulang noon pa naka-schedule na gagawin nila ni Alden Richards dahil daw sa conflict sa schdule. Iyan sanang pelikulang ‘yan ay pagtutulungang gawin ng GMA Films, Viva at APT. Hindi maliwanag ang sinasabing conflict sa schedule dahil matagal na namang walang ginagawa si Bea.
Ang tingin namin baka natatakot siyang makipagtambal kay Alden. Una, ang tingin kasi kay Alden ay isang malaking star, at papaano kung hindi man lang niya mapantayan ang naging batak ni Maine Mendoza sa pakikipagtambal kay Alden. Iyon naman talaga ang problema ng leading lady ni Alden, tiyak na ikukumpara iyon sa AlDub o Kathryn Bernardo eh hindi na nga mapapantayan iyon. Isa pa, papaano kung hindi kumita iyon nang kasing laki ng tambalan nina Alden at Kathryn, papaano na ang claims na si Bea ang “movie queen”? Iwas disgrasya na nga lang siguro si Bea.
Basta kumita ang pelikula, tiyak na sasabihin malakas talaga kasi si Alden, kung babagsak naman sasabihin mahina si Bea, or worst baka sabihing malas pa siya. Tama na nga iyong play safe siya. Eh iyon namang sinasabing movie queen siya, alam naman nating hype lang iyon ng ABS-CBN at Star Cinema noong araw, para may title siya pero wala pa namang solid na basis. Madali iyon para sa ABS-CBN noon dahil sila ang pinakamalaking network bago nag-expire ang kanilang prangkisa. Eh ngayon sino pa ang makagagawa noon? Baka nga kung mahina ang kanyang pelikula ni hindi na mapagtakpan eh.
Wala naman silang magaling na damage control sa ngayon kaya iwas-iwas na lang.
Hindi rin maliwanag sa amin kung matutuloy pa nga ba ang sinasabing pagtatambal din nila ni John Lloyd Cruz. Mukhang malabo rin dahil nagpapalakas pa ng career si John Lloyd. Hindi pa rin naman iyon nakakabawi sa ginawang pagtigil sa kanyang career ng apat na taon, nang makisama kay Ellen Adarna.
Career ni Teejay Marquez, casualty ng pandemic
Ano na nga ba ang nangyari sa career ni Teejay Marquez? Noon hindi natin namamalayan, sumikat pala siyang bigla sa indonesia. Nakagawa siya ng ilang pelikula at serye sa telebisyon. Dito sa atin inimport noon si Mario Maurer mula sa Thailand at pinagkaguluhan dito, samantalang sa Indonesia, isang big star na si Teejay. Umuwi rito si Teejay. Nakagawa ng isang gay series para sa internet, napag-usapan pero hindi na nasundan. May mga ginawa siyang pelikula na ni hindi nailabas sa mga sinehan. Lumamig ang career niya rito dahil wala namang magandang project at mali ang mga diskarte, kaya nagbalik siya sa Indonesia, pero pagbalik niya roon dahil matagal din siyang nawala, hindi na siya ganoon kasikat. Naging biktima rin ng pandemic ang kanyang career.
Ngayon isang gay series na naman niya ang inilalabas sa internet. Sayang ang batang iyan kung hanggang diyan na lang ang kanyang career. Dapat lang ay tamang diskarte, may hitsura naman siya, marunong ding umarte. Bakit nga ba mahina ang batak niya?
Mag-inang aktres, pumatol sa bading
Mukhang magkapareho raw ng kapalaran ng mag-inang aktres, naligawan sila at naging syota ng mga bading. Ang gaganda nila pero mukha ngang mahina ang “gaydar” hindi nila alam kung bading ang nanliligaw sa kanila. Hindi nila alam kung naaakit nga sa ganda nila o baka ambisyon lang silang lagyan ng makeup at kulutan.
Sana naman magising sila sa katotohanan, walang mangyayari sa panliligaw ng bakla sa babae.