Naku, ginalit na naman ni Liza Soberano sa interview niya sa Get Real podcast nina Ashley Choi & Peniel na kung saan, natanong tungkol sa love teams. Tinawag nitong “huge phenomenon” sa Pilipinas ang love team. Hindi ka rin daw puwedeng makipag-date sa iba kapag may ka-love team ka dahil masisira ang love team mo.
Dagdag pa niya, kailangan may ka-love team ang isang artista para sumikat dito sa ating bansa. Kapag may ka-love team ka, sunud-sunod ang project ninyo ng ka-love team at hindi mo kailangang sabihin na hindi kayo in real life dahil masisira nga ang love team.
Marami ang pumalag sa interview niyang ito dahil para raw hindi siya sumikat dahil sa love team nila ni Enrique Gil. May mga nag-react din sa binanggit na “when two celebrities from different love teams make a movie together it is usually when they are not at the height of their career.”
Tanong ng isang fan kung sini-shade ni Liza sina Kathryn Bernardo at Alden Richards na nagtambal sa hit movie na Hello, Love Goodbye na sabi ni Liza, unang in-offer sa kanila ni Enrique o unang in-offer sa kanya. Ipinaalala kay Liza na ginawa nina Kathryn at Alden ang nabanggit na pelikula na sikat pa rin sila.
May mga nagpayo kay Liza to shut up at mag-focus na lang sa kanyang career sa Hollywood. Marami naman daw siyang ganap, kaya doon siya mag-concentrate para mas dumami pa ang projects niya.
May mga dumepensa rin kay Liza dahil totoo raw ang sinabi nito tungkol sa love team na big sa bansa at mas madali ngang sumikat kapag may ka-love team. Pero, dapat daw sinabi rin nito na may love teams na sa simula pa lang, inaamin na agad na wala silang relasyon. Isang halimbawa rito sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo.
Big example rin si Anne Curtis na sumikat ng walang love team at si Marian Rivera na nagkapangalan ng walang love team, kaya puwedeng ipareha kahit kanino.
Pagbalik ni Liza ng Pilipinas, may isyu na naman siyang sasagutin at nakakatulong ito sa kanya na kahit walang project dito, pinag-uusapan siya.
Lol, nagbabu na
Kahapon ang last episode ng Lunch Out Loud at sa nakita naming group photos ng mga host, masaya naman sila. Nakangiti nga at may nag-wacky pose pa sa kanila. Napansin lang namin sa mga host na walang nag-post ng kaganapan sa last episode at final airing ng LOL.
Ang comment ng netizens, parang mabilis kinalimutan ng mga host ang kanilang show na nagsimulang umere noong Oct. 19, 2020 sa height ng pandemic.
Hindi umabot sa three years ang LOL na marami rin ang pinasaya at natulungan sa parte ng staff.
Nakalulungkot isipin na marami na naman ang nawalan ng trabaho sa pagtatapos ng LOL.
Ano kaya ang mararamdaman ng Tropang LOL kapag tinanggap ng Eat Bulaga ang offer ng Brightlight Productions na producer ng LOL? Saka, papalit pa sa time slot nila na iniwan sa TV5.
Inaabangan din kung sino sa Tropang LOL ang babalik sa It’s Showtime na kanilang iniwan in favor of LOL. Basta, sinabihan na ni Alex Gonzaga si Billy Crawford ng “baka babalik ka doon.”