May mga tanong ang OPM legend na si Marco Sison sa pagkamatay ng kanyang apong si Andrei Sison sa isang car accident last March.
Naalala niya na nung three years old ang apo niyang ito ay nahulog ito sa third floor ng kanilang condo pero nakaligtas at galos lang ang tinamo.
Pero sa kotse na may safety features ay binawian ng buhay ng si Andrei.
“And then ito ka, sakay ka ng kotse, naka seat belt ka ‘di ba. Lahat ng protection, air bag, everything...” unang pahayag niya nang makausap ng ilang entertainment press sa intimate media conference ng The Class of OPM.
Paano mo nalaman ang nangyari?
“Ang daddy niya mismo ang tumawag sa’kin, yung tatay niya. Syempre ‘pag ka ganon parang nakakabingi ‘yun eh. Hindi mo alam kung totoo.”
Hindi ka agad naniwala?
“Naniwala ako kaya lang... parang may tanong ka ‘oh bakit ganoon?’ Hindi ko tinanong kung totoo basta bakit kaya? Kasi ganoon kaagad eh, question mark. Ito na ‘yun ‘di ba. Everything’s happen for a reason. Sige aabangan ko ‘yan kung anong rason na ‘yun. Ngayon hindi natin alam kung ano ‘yun,” dagdag ni Marco.
Pang-ilang apo mo siya?
“Sa anak kong si Marco Salvador, ano siya eh. Marami sila. Five sila tapos ‘yung si Andrei, eldest ‘yun sa ‘second batch,” sagot ng singer na walang kupas kahit na nga ang daming nagsusulputang mga baguhang singer.
May paramdam ba siya sa sa ‘yo lately?
“Sa akin wala kasi mas worried ako doon sa anak ko.”
Kamusta po ‘yung anak nyo?
“Nitong Holy Week tinawagan ko, kinamusta ko medyo okay na sila. Clear ‘yung voice niya unlike before, talagang lutang na lutang parang hindi ka kilala kasi it’s not a normal thing ‘di ba. Syempre usually the parents moves on first, not the kid. ‘Yun lang nanghihinayang lang ako kasi sayang...”
Last month lang daw ay parang ok na ok ang lahat sa kanyang apo.
“Lagi ko siyang kabiruan sa messenger. Nung lumalaki na siya humihingi siya ng cell phone. Mahal kapag humihingi siya ng cell phone tapos lagi niyang sinasabi ‘yung mas pogi raw siya sa akin.
“Sasagot ako : ‘wala kang karapatan magsalita ng ganyan kasi ako ang original. Lahat kayo galing sa akin,’” pagkukuwento pa niya.
Sina Andrei, ang driver na si Paolo Bueza, at isa pang pasahero na si Arman Velasco ay pumanaw matapos mawalan ng preno ang sinasakyan nilang sasakyan at sumalpok sa gate ng subdivision sa Quezon City.
Si Josh Ford lang ang nag-iisang nakaligtas sa aksidente sa sasakyan.
Samantala, sa kabila ng pagluluksa ni Marco tuloy ang pagsasama-sama ng mga OPM legend sa isang concert, The Class of OPM.
Magaganap ito May 3, 2023, produced by Echo Jham Enteratinment Production in cooperation with Soroptomist, sama-sama ang OPM icons na sina Dulce, Rey Valera, Marco Sison and APO Hiking Society (Jim Paredes and Buboy Garovillo) at The Theatre at Solaire.
Bihirang pagkakataon ang ganito kalalaking OPM concert kaya kaka-excite naman.
Sila ang mga nasa likod ng mga kantang Ako Ang Nagwagi, Ako Ang Nasawi? (Dulce).
Sino naman ang makakalimot sa mga kanyang Maging Sino Ka Man? (Rey).
Si Aida, Si Lorna O Si Fe? ni Marco Sison.
O Ang mga kanta ng APO Hiking tulad ng Batang-Bata Ka Pa?
Bukod sa mabubuhay sa inyong alaala ang mga magagandang Tagalog song, magiging fund raising of the Soroptimist International of the America Philippines Region for underprivileged girls and women din ang concert na ito.
Priced at P3,000 for SVIP, P2,000 for Patron and P1,000 for Balcony.