Lorna naghahanda sa pag-iiba ng hitsura, bagong dagdag sa Batang Quiapo!
Si Lorna Tolentino ang bagong dagdag sa Batang Quiapo.
Nag-meeting na sila ni Coco Martin at iba pang direktor, at tuwang-tuwa si LT sa role na ibinigay sa kanya.
Sinabi naman niya noon na kahit lola raw ni Coco ay tatanggapin niya, dahil gusto ulit niyang makatrabaho ang Kapamilya Primetime King.
Napagkasunduan na nila kung ano ang mga babaguhin sa ayos niya para bumagay sa role.
Hindi na niya idinetalye kung ano ang gagampanan niya at kung ano ang konek niya kay Coco. Basta ibang-iba raw ito sa karakter na Lily na ginawa niya sa Ang Probinsyano.
Hindi naman daw siya kasinsama rito ni Lily. Basta ibang-iba at nagpasalamat siya na sa kanya ito ipinagkatiwala ni Coco.
Next week na siya magsisimula ng taping, kaya ngayon pa lang ay pinaghahandaan na niya ang bago niyang ayos para sa naturang drama series.
Sobrang naka-focus si Coco dito sa Batang Quiapo, pero nangako naman daw siya kay direk Brillante Mendoza na tutulong siya sa promo ng Apag na entry nila sa Summer Metro Manila Film Festival.
Samantala, tinodo rin ng katapat ng Batang Quiapo, itong Ang Mga Lihim ni Urduja ang pagpapaganda nito.
Mahigpit na naglalaban ang dalawang seryeng ito, kahit may apat na istasyon na pinapalabas ang Batang Quiapo at tatlo naman sa Mga Lihim ni Urduja.
May pressure ito kay Kylie Padilla dahil siya talaga ang nagdadala ng kuwento kasama sina Sanya Lopez bilang si Hara Urduja at si Gabbi Garcia naman bilang si Crystal.
Sabi naman ni Gabbi, hindi raw masyado ma-pressure sa kanya sa mga maaksyong eksena pero kailangan din daw niyang paghandaan nang mabuti.
Kikay-kikay lang daw siya roon, pero mahirap din daw sa kanya. Kaya kailangan din niyang paghandaan kagaya ng pag-acting workshop.
“Talagang nag-acting workshop ako with Ms. Ana Feleo, my acting coach. And also, I was constantly in touch with Sir Jojo (Nones) our headwriter, our director, si direk Jorron (Monroy). So, I was really hands on when it comes of building my character,” pahayag ni Gabbi.
Kagabi pala ay lumabas na si Sunshine Dizon sa Mga Lihim ni Urduja.
Mga bida ng summer MMFF, magbibilad ng katawan sa karosa?!
Kasado na ang Summer Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa April 8 hanggang 18.
Nakipag-meeting na ang Executive Committee ng MMFF sa producers ng walong pelikulang kalahok.
Nagbunutan na sila ng order ng mga karosa na magpaparada sa April 2.
Ang Quezon City pa rin ang host ng kauna-unahang Summer MMFF kaya inayos na nila ito ngayon pa lang.
Magsisimula ang parada sa Villa Beatriz sa Quezon City at magtatapos sa Quezon Memorial Circle.
Sa walong pelikulang kalahok, mauuna sa parada ang karosa ng Yung Libro sa Napanood Ko ni Bela Padilla. Pangalawa ang About Us But Not About Us nina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas. Pangatlo ang Here Comes the Groom nina Enchong Dee, Eugene Domingo at marami pa. Pang-apat ang Love You Long Time ni Carlo Aquino at ng baguhang si Eisel Serrano. Panglimang karosa ang Single Bells ni Alex Gonzaga at Angeline Quinto. Pang-anim ang Apag ni Coco Martin. Pampito ang Kahit Maputi na ang Buhok Ko na kuwento ni Rey Valera at panghuling float ang Unravel nina Gerald Anderson at Kylie Padilla.
Si Aljur Abrenica ang leading man dito sa Single Bells, pero kasali rin siya sa Kahit Maputi… pero ewan ko lang kung lilipat pa siya ng float dahil mas malaki naman ang role niya sa Single Bells.
Abangan natin kung magkakabati sila roon ni Kylie Padilla ng Unravel.
Si Gladys Reyes naman ay nasa Here Comes The Groom naman at sa Apag din, na parehong maganda ang role.
Pinag-iisipan pa niya kung maglilipat siya ng float o kung kailangan niyang mamili kung saan siya sa sasakay.
Bilang summer naman ito, at napakainit ng panahon, baka magpa-sexy na diyan ang mga artistang nakasakay sa karosa.
Sina-suggest nga naming pa-sexy na diyan sina Bela, Kylie, at iba pang lead actress.
TIngnan naman natin kung sino sa hunks ang magta-topless sa parada.
Iyan ang kaibahan ng Summer MMFF sa MMFF ng December, ‘di ba?
- Latest