Ayan, nagkakalabasan na ng mga sikreto. May lumabas pang umutang diumano ng P17.8 million si Hope, alyas Liza Soberano, para sa kanyang bahay, at ang kanyang guarantor na tumayo sa utangang iyon ay ang dati niyang manager na si Ogie Diaz. Napakalaking halaga noon, at lumalabas na character loan iyon. Pinautang siya nang ganoon kalaki nang walang binabanggit na collateral dahil lamang sa siya si Liza Soberano. Nakuha niya ang loan na pinanagutan din ng manager niyang si Ogie Diaz.
Kaya hindi mo naman pala masisisi si Ogie kung hanapan siya nang hanapan ng trabaho dahil kung hindi niya mababayaran ang inutang niya, delikado naman ang buong kabuhayan ni Ogie na siyang nanagot sa kanya.
Hindi lang maliwanag kung may tubo ang inutang o ipinautang lang iyon bilang tulong. Pero palagay namin walang taong maglalabas ng 17.8 na milyong piso nang walang tubo.
Kaso ang nangyari nga riyan, nagkaroon ng pandemic. Pero bago iyon nagkaroon siya ng disgrasya sa taping ng isa nilang serye kaya naubos ang oras niya sa pagpapagamot, at marami siyang proyektong hindi nagawa, pati ang Darna.
Ilang ulit ding inoperahan noon ang daliri niyang nabali ang buto. Tapos noong nakabawi na siya, sabay pasok naman ng pandemic, at hindi pa natatapos ang pandemic, natapos naman ang prangkisa ng ABS-CBN at hindi na iyon nai-renew.
Kaya hindi maliwanag kung nabayaran na ba ni Liza ang 17.8 milyong inutang niya.
Kung sa bagay, baka naman matupad ang kanyang Hollywood dream sa ilalim ng management ni James Reid, aba eh kikita siya nang mas malaki. Kaso marami ang duda, eh kasi si James Reid nga mismo walang proyekto eh, ano makukuha niya para kay Liza?
Kawawa rin naman si Liza, kung manatili siyang “whispering hope.”
Kat Alano, takot mabaligtad?!
May post na naman ang modelo at dating videojack na si Kat Alano. Matagal nang sinasabi ni Kat na siya rin ay na-rape ng isang taong ang pangalan ay katunog ng salitang “wrong.” Pero hindi siya nagdemanda, tinakot daw kasi siyang masisira lamang ang kanyang pagkatao at wala ring mangyayari dahil malakas ang connections ng “isang tiyuhin ni Wrong.”
Pero noong isang araw ay may posts na naman siya, na sinasabi niyang iba talaga “kung may mga kaibigan kang nakapuwesto. Kahit mali ka na, lumalabas na tama pa rin.”
Wala naman siyang tinukoy kung sino ang pinaparinggan niya.
Napakahirap patunayan ang kasong rape. Kung pakikinggan mo ang mga abogado, para bang sinasabi nilang mang-rape ka at hindi ka makakaligtas. Pero maraming biktima ng rape ang nagdusa, at maraming guilty sa rape na nakaligtas sa hoyo.
Male star, sa lalaki lang maluho
Simple lang daw ang buhay niya dahil hindi siya maluho, sabi ng isang male star. Oo nga naman, walang makikitang sobrang luho sa kanyang sarili si male star. Natural lang na medyo bongga ang pagdadamit niya dahil artista siya, pero nananatiling simple ang buhay niya.
Pero basta raw sa mga nagiging kaibigan niyang lalaki, bongga si male star. May isa pa nga siyang kaibigang lalaki na para manalo sa isang contest binigyan niya ng tatlong milyong piso. Wala siyang luho pero sa mga kaibigan niyang lalaki, pulos palabas ang datung niya.