Ate Vi, kinabog ang ibang mga totoong singer!  

Ate Vi

Dahil sinasabi naman naming nakonsulta kami sa content ng Anim na Dekada, Nag-iisang Vilma, ni Vilma Santos (Ate Vi) inulan kami ng napakaraming messages nang ilabas iyon sa telebisyon. Hindi namin inaasahang ganoon ang kalalabasan, pero para yatang ang buong bayan ay nakatutok sa 2 part 4 hour special na iyon. Grabe ang response ng mga tao. Lahat ng ipinarating sa aming messages ay positibo, pati ang sinasabi ng mga kapitbahay namin. Pero mayroon kaming kaibigang composer, at isang record producer din na nagsabi sa amin na “hindi kumpleto ang anim na dekada ni Vilma kung wala ang kanyang musika.” Sabi pa ng isa “talaga bang sinadyang huwag isali ang kanyang musical career?”

Hindi po, pero inaamin naming siguro nga nalunod na kami sa lahat ng naging achievements ni Ate Vi bilang isang aktres, isang television host, public servant, at product endorser. Pero inaamin naming malaking bahagi ng anim na dekada ni Ate Vi ang kanyang musika.

Hindi naman singer si Ate Vi. Kahit siya mismo sinasabi niya iyan. Pero noong early ‘70s, panahong teenager pa siya, uso sa mga artista na hindi lang umaarte kundi kumakanta rin. Naka-love team pa niya si Edgar Mortiz na isang singer at Tawag ng Tanghalan champion pa noon. Kaya nang alukin siya ng recording career ng Wilears Records, na ang may-ari ay ang naging manager niya later on na si William Leary, sumabak rin siya sa recording. Maraming nagawang plaka noon si Ate Vi.

Noong simula, sinasabi nila medyo manipis ang boses ni Ate Vi, pero bagay naman iyon sa mga kantang pop. Kaya sinabihan ni William Leary si Dannie Subido na gumawa ng mga kantang bagay sa boses ni Ate Vi. Nagawa nga niya ang naging malaking hit na Sixteen. Pero sa album na iyon, may apat na iba pang original compositions na naging hit din, iyong When the Clock Strikes One ni Robert Medina, at iyong Sometimes, it is wonderful to be in love, at Then Along Came You, na lahat ay ginawa ni Dannie Subido. ­Naging hit lahat halos iyan kaya ang kanyang unang album ay naging gold record. Pero hindi riyan unang narinig na kumanta si Ate Vi. Sa isa sa kanyang mga unang pelikula, iyong Ging, nagkaroon na rin siya ng playback kasama ang aktres at singer na si Olivia Cenizal.

Dahil naging gold nga ang kanyang album, gumawa siya ng maraming iba pa. Naging second album niya iyong Sweethearts, na naging malaking hit album din. Gumawa rin siya ng mga “mini-LP” o “extended play records. Iyan iyong maliliit na vinyl na may apat hanggang anim na kanta lang. Gumawa siya ng Tagalog na EP, iyong Isipin Mong Basta’t Mahal Kita na naging theme song ng pelikula nila ni Eugene Torre, at iyong naging gold record din niyang Batya’t Palu-Palo. Mayroon din siyang isang EP na kasama si Bobot Mortiz, iyong Something Stupid, at gumawa rin sila ng isang Christmas album.

Noong 1972, ang musical career ni Ate Vi ay napunta sa Vicor Music Corporation, at nalagay iyon sa pamamahala ni Orly Ilacad. Musician si Tata Orly, at alam niya ang kantang bagay sa timbre ng boses ni Ate Vi. Pinagawa siya ng cover version ng kanta ni Jo Ann Campbell, iyong Bobby,Bobby,Bobby na agad naging isang malaking hit. “Bukod diyan ano ang sasasabihin mo sa pagkanta niya noon sa telebisyon, sa The Sensations” at saka kahit na doon sa Vilma, tanong pa sa amin.

Oo nga naman, bakit nga ba nawala sa isip namin ang musical career ni Ate Vi, at kahit na sinasabi niyang hindi naman siya singer ay nakagawa ng mas maraming recordings at mas maraming hits kaysa sa ibang totoong singers.

Sa susunod ang kuwento ni Ate Vi bilang isang singer. Kaya lang baka naman masabing “historian” na kami ni Ate Vi.

Show comments