Ate Vi, isinalba si Claudine!
Wala sa mood si Ate Vi (Vilma Santos) nang dumating kami sa kanyang dressing room, kung saan nilalagyan na rin siya ng makeup para sa kanyang show, celebrating her six decades in show business. “Wala namang dahilan, parang mali lang ang gising ko kaninang umaga,” sabi niya. Kaya may ilan sa staff na nag-aalala, “papaano iyan wala siya sa mood.” Sabi nga namin, siguro more than anyone else there, kami ang nakakakilala kay Ate Vi. Basta humarap na iyan sa camera, tuluy-tuloy na at ganoon na nga ang nangyari.
Ang daming mga taong naroroon na nag-share ng mga kuwento nila tungkol kay Ate Vi na ikinabigla rin namin. Isa na nga riyan si direk Tony Reyes, na sa totoo lang noon lang namin nalaman na sales manager pala ng mga pelikula, at siya ang humawak ng ilang pelikula ni Ate Vi. Siya rin ang nagsabing isang box office phenomenon noong kanilang panahon ang Lipad Darna Lipad, kaya pala napa-apat na Darna si Ate Vi, na siyang pinakamaraming nagawa ng isang aktres.
Natawa kami nang marinig din namin si direk Jeffrey Jeturian na siyang nagdirek ng Ekstra. Sabi niya may mga director daw na hindi nabigyan ng instructions si Ate Vi, dahil kadalasan mas magaling siya nang walang instructions. Si direk Jeff naman kasi isang self confessed Vilmanian, bata pa raw siya. Kumanta si Pops Fernandez ng isang special song na isa palang poem na ginawa ng fans ni Ate Vi, tapos hiningi nila kay Maestro Louie Ocampo na lapatan ng musika, tapos nga ipinakanta kay Pops.
Noong kasama kami sa meeting ng kanilang grupo, may isang question na sabi nga namin, baka hindi na dapat tanungin kay Ate Vi, baka iwasan niya. Pero iginiit ni direk Alco Guerrero na “doon lalabas iyong human Ate Vi.” They went on. Doon nga bumigay si Ate Vi. Napaiyak siya, tumigil, pero nagtuluy-tuloy ang camera, walang cut. Ang sarap ikuwento, pero nakakahiya naman sa kanila na ma-preempt ang nilalaman ng kanilang show na ilalabas pa lamang sa Feb. 18.
Totoo, wala rin kaming nakitang press people doon, maliban kay Mario Dumaual. Siyempre ABS-CBN iyon, natural nandoon si Mario. Kami, suwerte lang dahil humingi lang kasi sila ng tulong para sa content, kasi malungkot mang sabihin mukhang kami na lang yata ang nakasubaybay nang ganoon katagal sa career ni Ate Vi.
Ang lahat ng kasabayan namin ay wala nang lahat. Nangauna na sila, Kaya sabi nga namin, suwerte pa rin at inabot namin ang kanyang ikaanim na dekada.
Naroroon si Boyet de Leon, ang leading man niya sa 24 na pelikula niya. Sila ang pinakamaraming tambalan sa lahat ng mahigit na 200 pelikulang nagawa na ni Ate Vi. Ang ganda rin ng kuwento ni Boyet na kaabang-abang. Tapos naroroon din si Claudine Barretto who was just a seat away from us. Umiyak si Claudine, unti-unting pumatak ang kanyang luha nang ikuwento niyang bagsak na bagsak ang buhay niya, nang biglang tumawag sa kanya si Ate Vi, pinayuhan siya at sinabi niyang iyon ang naging simula ng kanyang panibagong buhay, kaya ang tingin niya kay Ate Vi, hindi isang co-star kundi isang nanay, because she gave her a new life.
May reklamo kaming narinig mula sa ilang Vilmanians, hindi pa raw pinapasok lahat sila eh maluwag naman pala. Ang totoong dahilan, napakahigpit po ng ABS-CBN. Iyong Dolphy Theater na 300 seater na lang matapos nilang bawasan ng mga upuan, kailangan daw 100 lang ang papasukin bilang pag-iingat sa COVID.
Lahat din ng pumasok kailangang sumailalim sa Antigen test, kung lahat iyon pinapasok, ubos ang budget ng production. Iyon ang talagang dahilan, at talagang kawawa naman ang ibang fans ni Ate Vi na hindi umabot sa guest list, at nakibalita na lang mula sa audience entrance.
- Latest