Alden, tinapos na ang ilusyon ng fans sa anak nila ni Maine
Inamin na finally ni Alden Richards na magkaibigan sila ni Maine Mendoza, at hanggang ngayon nag-uusap pa rin sila, pero ikinaila niya na niligawan niya ito. Pinasinungalingan din niya ang matagal nang iginigiit ng AlDub fans na sila ay kasal nang lihim at may anak.
Ang inamin ni Alden, dumating sa punto na halos naging syota na niya noon ang singer na si Julie Anne San Jose. Halos umabot na rin daw sa pagiging syota niya noon si Winwyn Marquez. Doon sa kasunod na statement na iyon, maliwanag na sinasabi na niya na hindi niya type si Maine, kaya nga ni hindi niya niligawan. Iyong panliligaw ni Alden kay Maine, nagsimula at natapos sa Eat Bulaga lang. Hindi dahil sa hinaharang siya ni Lola Nidora, kundi talagang hindi siya nanligaw. Maliwanag na ba?
Baka naman dahil diyan si Alden naman ang balikwasan ng AlDub fans dahil tinapos na noon ang kanilang ilusyon.
Tama ang ginawa ni Alden. Kawawa rin naman si Maine na tuluyang bumaba ang popularidad dahil lang sa mga boycott ng fans dahil sa bintang na tinalikuran noon si Alden, at naghanap ng ibang boyfriend. Iyon pala hindi talaga siya niligawan ni Alden. Eh ano naman ang gusto ninyong gawin ni Maine kung hindi naman siya nililigawan ni Alden, “magburo”? Natatandaan din namin may kuwentong ganyan tungkol sa isang leading lady. Na-in love siya sa kanyang leading man. Hintay siya nang hintay na ligawan siya noon, pero hindi nga eh, at iba ang niligawan noon. Iyong pobreng aktres napunta tuloy sa tomboy.
Raymond, mas pinupuri sa pagdi-display ng jowa
Natawa kami doon sa ilang moralista na nakataas na naman ang kilay matapos na i-post ni Raymond Gutierrez ang pamamasyal nila ng kanyang “partner” na si Robert Williams sa Paris. HHWW pa ang dalawa, at sinabi niya sa post na birthday din ni Robert nang una nilang date noong nakaraang taon. Bale one year na rin pala ang relasyon.
Eh ano naman ang dahilan at nakataas ang mga kilay ninyo? Inamin na naman ni Raymond noon pa na siya ay gay, at ano ang masama roon. Kahit na nga ang Santo Papa Francisco ano ang sinasabi, iyan ay isang human condition hindi iyan isang krimen. Ang kasalanan lang ay kung mag-engage sila sa sexual acts, kasalanan pero hindi krimen. Mas natutuwa pa nga kami kay Raymond, at least pinanindigan niya kung ano siya. Hindi kagaya noong iba na alam mong butas-butas na ang kapa kalaladlad, hindi pa rin umaamin. Ang masakit pa, nanliligaw ng babae na nasisira tuloy ang buhay dahil eventually malalaman din naman na may lalaki sila.
Kaya kung kami ang tatanungin, mas mabuti iyong walang kaplastikan sa buhay. Basta nakakapamuhay sila nang walang ini-istorbong ibang tao, wala silang ginagawang gulo, ayos iyon at hindi naman natin dapat pakialaman ang buhay ng may buhay, lalo na’t hindi rin naman sila nakikialam sa atin.
- Latest