FPJ Avenue, visible na!

Hindi namin iyon napapansin, pero dahil sa napakatinding traffic, nakita tuloy namin na kasabay pala ng 18th death anniversary ng hari ng pelikulang Pilipino, ang national artist na si Fernando Poe Jr., ay nabago na ang lahat ng street signs sa dating Roosevelt Avenue na ngayon ay Fernando Poe Jr. Avenue na.

Iyan ay ang kahabaan ng kalye mula sa Barangay Santa Cruz, na kung tawagin ay Pantranco dahil dati ay garahe iyon ng Pangasinan Transit Corporation, hanggang sa Muñoz na tinawag na Pantranco dahil sa palengkeng nakatayo roon.

Ang Fernando Poe Jr. Avenue ay isang malaking karangalan, dahil bagama’t may ilan ding showbiz personalities na ang pangalan ay ginamit sa kalye, karamihan doon mga maiikling kalye lang kung ‘di man mga eskinita pa sa probinsiya. Iyan lang FPJ Avenue ang isang national road na ipinangalan sa isang artista.

Nauna rito, nagkaroon ng proposal na ang Del Monte Avenue kung saan nakatayo ang FPJ Studios ang gawing FPJ Avenue, na tinutulan naman ng simbahan at ibang pang mga lider, kasama rin ang National Historical Commission, dahil ang Del Monte ay bahagi ng kasaysayan. Bundok pa iyan at walang tao riyan, nang madiskubre ng noon ay pari, ngayon ay santo na, si San Pedro Bautista, at tinawag niya ang lugar na San Francisco del Monte. Diyan nagsimula ang isang bayan na tinatawag natin ngayong Quezon City.

Dahil sa pagtutol na iyon, sinusugan ni Senator Tito Sotto ang panukalang batas, at sinabing ang Roosevelt Avenue na kung saan nakatayo pa rin ang ancestral house ng mga Poe at kung saan ipinanganak si FPJ, ang ipangalan sa hari ng pelikula. Ang kalye ay dating ipinangalan sa US President na si Franklin Delano Roosevelt na nangako ng independence ng Pilipinas pagkatapos ng World War II. Ngayon nga ay FPJ Avenue na iyon talaga na makakita na ang mga street sign.

Donny, kinumpara kay Daniel

“Ang galing mo ah. Parang alam na alam mo ang nangyayari sa bahay namin,” ang naging sagot ni Karla Estrada sa isang basher na nagsabing ang pamilya raw ng kanyang anak na si Daniel Padilla ay magulo dahil sa kanya. Hindi raw gaya ng buhay ni Donny Pangilinan na maayos ang pamilya.

Mukha ngang may ambis­yon ang fans niyang si Donny na ikumpara ang kanilang idolo kay Daniel. Aba kung gagawin nila iyon baka magsisi sila. Gagawa sila ng mga ganyang statement, papaano kung patulan sila ng fans ni Daniel, hindi ba nila alam kung gaano karami iyon? Baka magaya sila sa isang candy na dinumog ng mga langgam, kawawa sila, pati ang idolo nila mabansot ang career.

Ang pagkukumpara sa isang artista sa iba, ok lang gawin iyan kung kaya mong tapatan ang lakas ng pinagkukumparahan mo. Kung hindi, tumigil ka na.

Hindi si Daniel ang dapat itapat diyan kay Donny, ang dami pang iba na kailangan niyang lampasan. Kay Joshua Garcia lang baka hindi pa siya makalusot sa ngayon.

Minsan iyang mga fanchita talaga hindi alam ang sinasabi, nagmamalaki.

Dalawang Laos na aktres, gumagawa ng ingay

Hindi namin pinapansin ang controversy ng dalawang laos na female stars. Halata namang pareho silang gumagawa ng ingay sa social media tungkol sa sarili nila para lang sila mapansin. Kung hindi sila gagawa ng ganoon, may papansin pa ba sa kanila?

Pero sa amin, ayaw pa rin naming patulan, kasi sino pa ba naman ang interesado sa mga malaon nang hindi napapansin?

Show comments